NANAWAGAN si Sen. Alan Peter Cayetano nitong Huwebes para sa mabilis na pagpasa ng Anti-Online Gambling Act sa gitna ng mga ulat ng patuloy na operasyon ng e-sabong sa bansa sa kabila ng pagsuspinde rito ng Pangulo.
Ito’y matapos isiwalat ng Committee on Games and Amusement sa isang pagdinig sa Senado araw ng Huwebes na ang operasyon ng e-sabong ay nagpapatuloy nang palihim.
Noong 2022, sa kasagsagan ng pagkawala ng ilang mga sabungero at iba pang isyu na nauugnay sa e-sabong, mabilis na inihain ni Cayetano ang Senate Bill No. 63 na naglalayong ipagbawal ang lahat ng uri ng online gambling at parusahan ang mga sinumang konektado rito.
“The pull of gambling, especially over the internet, makes it more alluring for our kababayan who cannot help but engage in such activities desperately hoping to immediately win large sums of money,” ayon kay Sen. Alan Peter Cayetano.
Una nang ipinatigil ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang operasyon ng e-sabong noong Mayo 2022 dahil sa social impact nito sa mga tao.
Ang patakaran ni dating Pangulong Duterte laban sa e-sabong ay ipinagpatuloy ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na nag-utos ng patuloy na pagsuspinde nito noong Disyembre 2022.
Sa kabila ng mga hakbang na ito, patuloy rin ang kapulisan sa pag-aresto sa daan-daang indibidwal na sangkot sa lihim na operasyon ng e-sabong sa buong bansa.
Layunin ng panukalang batas ni Cayetano na magpataw ng maximum penalties, kabilang ang pagkakulong at multa para sa mga lalabag.
Ipinag-uutos nito halimbawa, ang pagtanggal sa serbisyo ng mga public office offender, permanenteng diskwalipikasyon sa paghawak ng public office, at pagbawalan na bumoto o makilahok sa mga halalan.
Binigyang-diin ng independent senator na ang pagbabawal sa mga ganitong aktibidad sa buong bansa ay susi sa pag-unlad.
Iginiit din ni Cayetano na obligasyon ng lahat ang pagpigil sa pagsira ng Filipino values at pagtiyak ng mas magandang kinabukasan para sa mga susunod na henerasyon.