MAAARING ilagay sa Alert Level 1 ang Metro Manila sa buwan ng Disyembre kung tuloy-tuloy ang pagbuti ng COVID-19 situation ng rehiyon ayon sa Department of Health (DOH).
Sa pinakahuling COVID-19 Situationer ng DOH, kasalukuyang nasa low risk classification ang Metro Manila at ang buong Pilipinas.
Kung magpapatuloy hanggang sa katapusan ng Nobyembre ang mababang risk assessment ng National Capital Region (NCR), ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi malayong mailagay sa pinakamaluwang na alert level ang rehiyon.
“It is not impossible for the National Capital Region to be deescalated to alert level 1 by December, pero kailangang ma-sustain natin kung anumang gains meron tayo ngayon,” ani Vergeire.
Aniya kabilang sa mga indikasyon na maaaring ibaba ang COVID-19 restriction ng isang lugar ay ang dapat masustena ang low risk classification nito hanggang dalawang incubation periods o hanggang isang buwan.
Kinakailangan ring maabot ng isang lugar ang target vaccination rate sa lahat ng vulnerable population nito – 70% para sa mga senior citizen at person with comorbidities habang 50% naman sa eligible population nito.
“Dito sa NCR, we have more than 70% vaccinated senior citizen. Sa target eligible population, more than 50% na rin ang bakunado. Ang medyo hinahabol lang nila ngayon ay iyong individuals with comorbidities dahil hindi pa na-achieve ang 70%,” saad ng DOH official.
Maliban sa naturang mga indikasyon, pinag-uusapan rin ng pandemic task force ani Vergeire na idagdag sa requirement ang bilang ng mga establisyimento na may safety seal.
Ang safety seal ay isang indikasyon na nasusunod ng isang establisyimento ang mga minimum health protocol na itinakda ng pamahalaan tulad ng social distancing at proper ventilation.
“This is further safeguard for our public kapag tayo ay nag-deescalate to Alert Level 1. Ibig sabihin, aside from being vaccinated, masisiguro din natin na yung pupumatahin nila may compliance sa safety protocols,” ani Vergeire.
Ang Alert Level 1 ang pinakamaluwang na restriction sa ilalim ng COVID-19 Alert Level System.
Wala ng mga aktibidad na ipinagbabawal sa ganitong alert level. Maaari ring makapag-operate ng buong kapasidad ang mga establisyimento habang nagpapatupad ng minimum public health standards.