KINAKAILANGAN pa ding magsuot ng face mask ng mga nakasakay sa private vehicles kahit pa magkakasama ang driver at mga pasahero sa iisang bahay.
Ito ang iginiit ng Department of Health (DOH) at Department of Transportation (DOTr) sa inilabas na joint statement ng dalawang ahensiya.
Kasunod ito ng pahayag ni Land Transportation Office Chief Ed Galvante na hindi magkakaroon ng hulihan sa mga mabibigong magsuot ng facemask sa loob ng pampribadong sasakyan.
Sa pahayag ng DOH at DOTr, nilinaw nito na maaari lamang hindi magsuot ng mask ang driver ng isang sasakyan kung mag-isa lamang ito.
Paliwanag ni Tugade ito ay upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa laban sa banta ng virus lalo’t mahirap i-monitor kung totoong umuuwi ang dalawa o higit pa na sakay ng kotse sa iisang bahay.
Giit nito, kailangan ang pagkakaroon ng generic numerical requirement pa na rin sa ikabubuti ng lahat.
Sa ngayon aniya ay ikinokoordina pa ng DOTr ang pagpapatupad ng nasabing direktiba sa kanilang road sector arm upang maisapinal ang ipapataw na multa at kaparusahan sa mga lalabag.