Pamahalaan, bumalangkas na ng plano para tugunan ang problema sa sektor ng pangisdaan sa bansa

Pamahalaan, bumalangkas na ng plano para tugunan ang problema sa sektor ng pangisdaan sa bansa

SINIMULAN na ng pamahalaan na bumalangkas ng plano para mapabuti ang sektor ng pangisdaan sa bansa.

Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kung saan inatasan niya ang iba’t ibang ahensiya na bumuo ng mga kinakailangang imprastraktura at pasilidad.

“Now the benefit of that is that mabilis ang cycle sa isda. But we have to put the infrastructure in place. We have to put the facilities in place. So iyon ang una naming gagawin para to increase ang ating production ng isda,” pahayag ni Pangulong  Marcos.

Nitong Martes, nagsagawa ng briefing si Pangulong Marcos sa Department of Agriculture (DA) kasama ang iba pang kinauukulang ahensiya upang tugunan ang krisis sa produksiyon ng palaisdaan matapos talakayin ang patungkol sa suplay ng livestock at bigas.

 “So we have started to formulate a plan to improve the fishing grounds for our aquaculture that is in land, in our rivers, and the freshwater although we have a good supply of tilapia and bangus. Although tinitingnan kasi ang galunggong pero ang katotohanan marami pa tayong ibang production,”  dagdag ni Pangulong Marcos.

Inilahad pa ni Pangulong Marcos na inatasan niya ang iba’t ibang ahensiya sa mga hakbang sa pagbuo ng plano para sa agrikultura, na pangunahing nakatuon sa sektor ng pangisdaan sa hangarin na mapabuti ang produksiyon ng stock ng isda.

“Now, kulang pa rin ang production natin sa fisheries kaya’t kailangan natin tingnan pati ‘yung tinatawag na mariculture ‘yung mga isda na nasa dagat. So that is basically what we were discussing and putting together also we were already starting to give the tasking to the different agencies like DTI, like DBP, Land Bank, the CDA or the Cooperative Development Authority,” ayon pa sa Pangulo.

Kabilang sa mga interbensyon ng DA na naglalayong pahusayin ang produksyon ng mga pangunahing bilihin sa agrikultura ay ang rehabilitasyon at modernisasyon ng mga fish port complex.

Gayundin ang pagpapatupad ng agricultural at fishery machinery at equipment service center.

Batay sa 2023 Demand and Supply Outlook for Basic Commodities, ang 3.55 milyong metrikong toneladang demand ng isda sa bansa ay lumampas sa suplay na nasa 2.97 milyong metriko tonelada.

Mayroon itong 2.88 million metric tons na inaasahang para sa local production na may imports na 0.04 million metric tons.

Detalyadong iskedyul ng pagtatanim para protektahan ang local agri sector, nais ni PBBM

Samantala, nais ni Pangulong Marcos ang isang detalyadong iskedyul ng pagtatanim upang matiyak na ang mga pag-aangkat ng agrikultura ay hindi makakasama sa lokal na produksiyon.

Ang pahayag ay kasunod pa rin ng naging pulong ng Pangulo sa DA.

Hiniling ng Punong Ehekutibo sa mga opisyal ng ahensiya na dagdagan ang detalye tungkol sa cyclical nature ng mga pananim sa Pilipinas upang maiwasan ang pag-angkat ng mga produkto sa panahon ng anihan.

Aniya, dapat isaalang-alang ng gobyerno ang sensitivities ng local cropping, partikular ang cyclical nature nito kapag nag-sourcing ng mga produkto sa ibang bansa.

 “Hindi tayo nag-i-import ng kahit anong produkto pagka maraming production para naman magamit natin lahat ng production na galing sa Pilipinas,” aniya pa.

“Kung mag-i-import lang tayo, kung talagang may kulang and that’s what I mean about the cyclical nature of crops, that we have to be sensitive to that,” pagtatapos ng Pangulo.

Bilang tugon sa pagbabago ng klima, kailangang baguhin ng mga Pilipinong magsasaka ang kanilang iskedyul ng pagtatanim sa ilang mga lugar sa Pilipinas upang samantalahin ang aniyay ‘moving rainy season.’

Sa ilalim ng Philippine Development Plan ng administrasyong Marcos, target ng DA ang paglago ng 1.8 porsiyento hanggang 3.3 porsiyento sa sektor ng agrikultura mula 2023 hanggang 2028.

Follow SMNI NEWS in Instagram