Pamahalaan tila mas inuuna ang pamumulitika kaysa sa problema ng bayan—opisyal ng Palawan

Pamahalaan tila mas inuuna ang pamumulitika kaysa sa problema ng bayan—opisyal ng Palawan

TILA inuuna ng pamahalaan ang pamumulitika kaysa sa tunay na suliranin ng bayan, dahilan upang mapabayaan ang mga ipinangakong reporma—opisyal ng Palawan

Mistulang naisantabi na ng administrasyong Marcos Jr. ang mga pangakong binitiwan nito sa sambayanang Pilipino noong eleksyon.

Ayon kay Puerto Princesa City Councilor Elgin Damasco, imbes na ituon ang atensyon sa paghahanap ng solusyon sa mga pangunahing suliranin ng bansa, mas nagiging sentro ng pamahalaan ang pamumulitika—isang hakbang na aniya’y naglalayo sa tunay na pangangailangan ng taumbayan.

“Ang natututukan ng kasalukuyang administrasyon sa tingin ko ay pulitika. Paghahanda sa 2028 presidential election.”

“Ipinangako nila na magiging bente pesos ang bigas. Eh hanggang ngayon, hindi pa rin natutupad ‘yun. Mas lalong naghihirap ang ating mga kababayan dahil nagmahal ang presyo ng mga pangunahing bilihin. Hindi na po natututukan ‘yun eh,” ayon kay Councilor Elgin Damasco, Puerto Princesa City, Palawan.

Samantala, una nang iginiit ni Vice President Sara Duterte na hindi ang kaniyang pamilya ang problema ng bansa, kundi ang kawalan ng oportunidad, kahirapan, at kagutuman.

“Let us not forget the real issue of our country that is—the poverty, that is the corruption, the failure of the government to answer the demands from the people about accountability and transparency. The failure of the government to address peace and security in our country,” wika ni Vice President Sara Duterte.

Sa kabila ng lumalalang mga suliranin ng bansa, umaasa at nananalangin si Councilor Damasco na magising ang pamahalaan at maitama ang mga pagkukulang nito bago tuluyang maging huli ang lahat.

Babala niya, kung patuloy na ipagwawalang-bahala ang tunay na pangangailangan ng bayan, lalo lamang lulubog sa kahirapan ang mga Pilipino—hindi lang ngayon kundi hanggang 2028 at posibleng lampas pa rito.

“Hindi tayo nananalangin, hindi tayo nananawagan na pabagsakin ang gobyerno ni Pangulong Bongbong Marcos. Ang sa atin lamang sana, kung ano ang naipangako nila sa taumbayan, iyon ang tututukan nila. Hindi ‘yung pamumulitika, hindi ‘yung away pulitika, hindi kung sino ang makakalaban ng kanilang grupo sa 2028 presidential elections. Malayo pa ‘yun eh,” saad ni Councilor Elgin Damasco, Puerto Princesa City, Palawan.

Nitong Marso 22, isa si Councilor Damasco sa mga lumahok sa “Ayusin Natin ang Pilipinas” nationwide campaign rally, kung saan nakiisa ang Puerto Princesa City sa lalawigan ng Palawan.

Libu-libong tagasuporta ang nagtipon-tipon sa Mendoza Park, Brgy. Poblacion, upang ipakita ang kanilang matibay na suporta kay Pastor Apollo C. Quiboloy at sa mga kandidatong senador ng PDP-Laban, na iniendorso mismo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasabay nito, mariing ipinahayag ng ilang taga-Puerto Princesa ang kanilang hinaing at pagkondena sa anila’y hindi makatarungang pag-aresto kay FPRRD, na sapilitang dinala sa International Criminal Court (ICC) sa Netherlands—isang hakbang na patuloy nilang tinututulan.

“Talagang masakit para sa akin kasi talagang mahal namin si Tatay Digong kahit hindi kami mostly taga-Davao. Dito sa Palawan, talagang mula sa kadulu-duluhan ng Bataraza, kami ay sumusuporta kay Tatay Digong. Maraming solid Duterte talaga sa lugar namin.”

“Ipaglaban natin na maibalik talaga si Tatay Digong sa ating bansa bilang isang mamamayang Pilipino,” pahayag ni Aling Tess, Tagasuporta ng PDP-Laban Slate.

“Malungkot na malungkot kasi ang daming naitulong niya sa bansa.”
“Halimbawa ako, OFW, anlaki ng naitulong—’yung mga passport, ‘yung mga tanimbala, pati ‘yung privileges ng mga OFW na binigay niya, talagang napakaganda. Wala nang iba pang makabigay noon. Passport, biro mo, extension up to 10 years!”
wika ni Mang Eddie, Tagasuporta ng PDP-Laban Slate.

Nagkaisa ang libu-libong tagasuporta sa isang taimtim na panalangin—isang panawagan ng pag-asa at pagkakaisa—para sa agarang pagbabalik ni Tatay Digong sa bansa.

Para sa nakararaming Pilipino, siya ay hindi lamang isang dating pangulo, kundi isang pinunong buong pusong nag-alay ng kaniyang buhay sa tapat at tunay na paglilingkod. Sa gitna ng mga hamon, patuloy ang sigaw ng bayan: hustisya, pagbabalik, at isang Pilipinas na inuuna ang kapakanan ng mamamayan bago ang pamumulitika.

 

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble