SA ikalawang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) sa Degamo case, dumalo si Pamplona Mayor Janice Degamo, ang maybahay ng pinaslang na si Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Humarap din sa imbestigasyon ang 4 na suspek na kasalukuyang hawak ng National Bureau of Investigation (NBI).
Nang makaharap ang mga suspek, hindi napigilan ni Mayor Degamo na maging emosyonal ayon sa abogado nito na si Atty. Levito Baligod.
Ang eksena ng DOJ preliminary investigation ay hindi na ipinapakita pa sa media.
“Humagulhol kasi si…ang kaniyang asawa,” ayon kay Atty. Levito Baligod, abogado ng mga Degamo.
Sa isinagawang pagdinig, wala nang plano na maghain pa ng kontra salaysay ang mga suspek.
Ayon naman kay Baligod, bahagi aniya ito ng pag-amin ng mga suspek sa ginawang krimen.
“Nagmanifest ang mga respondent na panel of prosecutors.”
“Technically inaamin sa nangyaring patayan,” ayon kay Atty. Baligod.
Samantala, hindi pa nakaharap sa imbestigasyon ng DOJ sa Degamo case ang itinuturong mastermind na si suspended Negros Oriental 3rd District Representative Arnie Teves.
Ito’y dahil wala pang naisampang reklamo laban sa kongresista.
Pero naniniwala si Mayor Degamo na malapit nang makasuhan si Teves.
Nananawagan naman ang alkalde sa mga mamamahayag na maging mapagmatyag.
Kasunod naman ito ng kaliwa’t kanang pagpapa-interview ni Teves sa media na aniya’y nagiging daan para lalo itong makilala ng taumbayan.
“Alam ko naman na alam niyo at hindi nagsasabi ng totoo. The more he speaks who really is,” ayon kay Mayor Janice Degamo, Pamplona, Negros Oriental.
Kaugnay naman sa mga patutsada ni Teves, inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ayaw na nitong patulan ang kongresista.
“He doesn’t deserve my time, pagkaiba ng kaniyang karakter,” saad ni Sec. Jesus Crispin Remulla, DOJ.
Umapela naman si Remulla sa publiko na maging matiyaga lamang sa takbo ng proseso ng batas bago makasuhan si Teves.
Sa ngayon aniya ay natagpuan na ang chopper na ginamit sa pagtakas noon ng mga suspek matapos ang inisyung search warrant na pinaniniwalaang pag-aari umano ni Teves.
“Yan ang isa sa mga bagay na dumaan,” ani Remulla.
Pagdedeklara kay Cong. Arnie Teves bilang terorista, nakatakdang pag-usapan ng DOJ at Anti-Terror Council sa susunod na mga araw
Sa mga susunod na araw, pag-uusapan na ng DOJ kasama ang Anti-Terrorism Council para sa plano ng DOJ na ideklarang terorista si Teves.
Maliban kay Teves, meron pa aniyang mga tao na gusto nilang ma-designate bilang terorista.
“We are looking for Mr. Teves,” ayon kay Remulla.
Mrs. Degamo, tiniyak na hindi aabusuhin ang gobyerno sa isyu ng Degamo case
Samantala, kamakailan lang ay nakipagkita si Mayor Degamo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. para magpasalamat sa tulong ng national government sa paghahanap ng hustisya para sa kaniyang asawa.
Tiniyak naman ni Mayor Degamo, wala siyang balak na abusuhin ang Pangulo.
“We told him we will not abuse the talk we had,” ani Mayor Degamo.
Maliban sa DOJ, gumugulong na rin sa korte ang mga kaso laban sa mga suspek.
Ayon kay Remulla, pag-iisahin na ang lahat ng kaso na may kinalaman sa Degamo case kung saan didinggin ito sa Maynila.
Pamilya Teves, hindi pa rin nagsumite ng kontra salaysay para sa reklamong illegal possession of firearms
Samantala, maliban sa Degamo killing, nagkaroon din ng preliminary investigation ang DOJ para sa reklamong illegal possession of firearms and explosives laban kay Teves at sa mga anak nito na sina Axl at Kurt.
Naghain ng panibagong ebidensiya ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban sa mga Teves pero hanggang ngayon ay hindi pa rin nakapagsumite ng kontra salaysay ang kampo ng kongresista.