NATAPOS na kaninang ala una ng hapon ang preliminary investigation ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa Degamo case na personal na dinaluhan ni Pamplona Mayor Janice Degamo na biyuda ng yumaong Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Eksaktong alas diyes ng umaga nang dumating si Mayor Degamo at ilang minuto lang ang pagitan ay sabay-sabay namang dumating ang ilang mga suspek o mga gunmen sa pagpatay kay Governor Degamo.
Sinabi naman ni Atty. Levito Baligod na napahagulgol ng iyak ang kaniyang kliyenteng si Mrs. Degamo nang nakaharap nito ang mga suspek sa pagpatay sa kaniyang asawa.
Samantala dininig din kanina ang reklamong illegal possession of firearms laban naman kay suspended Negros Oriental 3rd District Congressman Arnolfo Teves, Jr.
Nabatid na mula sa 8 reklamong illegal possession of firearms and explosives laban kay Teves ay isa ang nabasura na.
