Pananambang sa 4 sundalo sa Maguindanao del Sur, pinaiimbestigahan sa Senado

Pananambang sa 4 sundalo sa Maguindanao del Sur, pinaiimbestigahan sa Senado

HINIKAYAT ngayon ang Senado na imbestigahan ang nangyaring pananambang sa apat na sundalo noong Marso 17, 2024 sa Datu Hoffer, Maguindanao del Sur.

Sa inihaing Resolution No. 984, ni Sen. Jinggoy Estrada, nais nitong suriin ang kasalukuyang estado ng seguridad at kaayusan sa katimugang rehiyon ng bansa.

“Sa kabila ng paglalaan ng malaking pondo ng gobyerno at pagsusumikap na makamit ang kapayapaan at masolusyunan ang ugat ng rebelyon, maging ang karahasan ng mga extremist groups sa mga nakaraang taon, sa pamamagitan ng whole-of-nation approach, nananatili pa rin ang mga nagbabanta sa seguridad at katiwasayan sa lugar,” sabi ni Estrada, chairperson ng Senate Committee on National Defense and Security.

KUwestyunable para sa senador na sa kabila ng malaking pondo at puspusang pakikipaglaban ng gobyerno sa mga extremist group nitong mga nakalipas na taon ay nananatili pa rin ang banta sa seguridad at katiwasayan sa lugar.

Kahanga-hanga aniya ang military operations sa pagbuwag sa mga network ng terorista at extremist groups sa buong bansa, ngunit may naglilitawan na grupo mula sa natitirang puwersa na nagiging hamon sa pambansang seguridad.

Sa kaniyang resolusyon ay hinihikayat nito ang liderato ng Senado na atasan ang nararapat na komite na suriin ang pagganap ng military at mga ahensiyang dapat magsiguro sa kaayusan ng bansa.

“Sa harap ng banta ng pagpapatuloy ng mga atake, dapat masiguro sa publiko na ang militar at ang mga tagapagpatupad ng batas ay kontrolado ang sitwasyon,” ani Estrada.

Ipinunto ni Estrada na dapat suportahan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagpuksa sa mga elementong naghahasik ng takot at nilalagay sa panganib ang publiko.

Matatandaan na naka-damit sibilyan at lulan ng isang sibilyang sasakyan ang apat na biktima ng pag-atake noong Marso 17.

Pabalik na ang mga ito sa patrol base pagkatapos bumili ng pagkain para sa “Iftar” nang tambangan sila habang binabaybay ang Tuayan 1 Road sa Datu Hoffer Ampatuan, Maguindanao.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble