Panukala para direktang makabili ng COVID-19 vaccine ang mga LGU, binawi ng Kamara

INIURONG ng mga kongresista ang kanilang proposal na bigyan ng kaparangyarihan ang mga lokal na pamahalaan (LGUs) na direktang makabili ng COVID-19 vaccine sa mga manufacturers.

Ito ay sa ilalim ng ipinapanukalang Emergency Vaccine Procurement Act of 2021.

Sa ilalim ng bagong bersyon ng panukala, mananatili ang kasalukuyang set-up kung saan maaari lamang makabili o makapagpa-reserve ng COVID-19 vaccine ang LGUs sa pamamagitan ng tripartite agreement.

Ibig sabihin, kailangan ay kasama ang DOH at National Task Force for COVID-19 sa pagbili ng bakuna.

Magugunita na tinutulan ng medical experts ang unang proposal na hayaan ang direct procurement ng bakuna direkta dahil sa posibleng mapag-iwanan naman ang mga LGU na maliit lamang ang financial capacity.

Nakapaloob naman sa panukala ang indemnification fund para sa doon sa mga Pinoy na makararanas ng side effects ng bakuna.

Sa Senate version naman ng panukala, P500-M ang magiging budget para sa COVID-19 National Indemnity Fund.

Ilalagay naman ang budget sa PhilHealth.

Sa ngayon ay lumagda na sa Indemnification Agreements ang pamahalaan sa drug makers na Pfizer at AstraZeneca sa ilalim ng World Health Organization-led COVAX facility.

Mainam raw kasi ito dahil sa takot na naidulot ng Dengvaxia vaccine sa mga Pilipino.

Matandaan na naging kontrobersyal ang Dengvaxia dahil sa maraming mga nasawing mga bata matapos maturukan nito.

SMNI NEWS