POSIBLENG gawing mahaba ang termino ng isang barangay sa ilalim ng incoming Marcos administration.
Kasunod ito ng pahayag ni incoming Executive Secretary Vic Rodriguez na pinag-aaralan ng susunod na administrasyon na mula sa tatlo ay gawing limang taon ang termino ng isang brgy. chairman.
Ang panukalang ito ay pinaboran naman ni outgoing DILG Usec. for Baranggay Affairs Martin Diño.
Kasabay ng panukala ay ang posibilidad na ma-postpone ang barangay elections sa Disyembre 2022 na magbibigay aniya ng malaking katipiran para sa gobyerno at pwedeng ilaan sa ibang programa.
Sa naturang eleksyon, gagastos ng mahigit na P8 bilyon ang national government.
Ayon kay Diño, kung makatitipid ang pamahalaan sa pamamagitan ng pag-antala ng barangay elections ay maaring makapagbigay ng 5k halaga ng ayuda sa mga mahihirap ang pamahalaan.
Maganda aniyang panukala na pahabain ang termino ng brgy. chairman hanggang sa 5 taon para maiwasan ang panahon na inilalaan sa pamumulitika.
Ikinatuwa rin ni Diño ang pahayag ni PBBM na pag-aaralin nito ang mahigit 42,000 na brgy. chairman para matutunan ang epektibong paggamit ng pondo.
Samantala, isa pa sa mga pumabor sa plano ni PBBM ay ang si outgoing Barangay Chairman Chito Valmocena ng Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Ayon kay Valmocena, kung magkakaroon ng mas mahabang taon sa panunungkulan ang mga brgy. chairman ay mas makakapag focus ito sa kaniyang mga programa.
Hindi aniya mapupulitika ang mga programang ibaba ng administrasyon.
“Mas maganda yong five years, kasi kapag three years lang talaga kasi after one year kahit nakita niyo yong lokal wala ng ginawa ang politicians na mamulitika, hindi na nakafocus doon sa mga programa at ang focus na ay kung papaano makisama papaano mamulitika,” ayon kay Valmocena.
Si Valmocena ang maugong na papalit sa pwesto ni Diño bilang Usec ng DILG for Barangay Affairs.