Panukalang batas para sa Digital Nomad Visa, isinusulong sa Senado

Panukalang batas para sa Digital Nomad Visa, isinusulong sa Senado

ISINUSULONG sa Senado ang isang bagong panukalang batas na magbibigay daan para sa pag-iisyu ng Digital Nomad Visa. Ang layunin nito ay palakasin ang turismo at ekonomiya ng Pilipinas.

Ang mga digital nomad ay ang mga taong nagtatrabaho nang malayuan gamit ang teknolohiya habang naglalakbay. Mayroon silang malaking potensyal na magdala ng kita sa bansa.

Sa Senate Bill No. 2991 na inihain ni Senador Joel Villanueva ay may layunin itong lumikha ng isang visa category para sa mga digital nomad na magbibigay daan sa mga dayuhang remote workers na manatili sa Pilipinas ng hanggang dalawang taon.

Ang nasabing visa ay maaaring i-renew ng isang taon, kailangan lamang magpakita ng mga aplikante ng “proof of sufficient income” mula sa isang foreign-based employer o negosyo, pati na rin valid health insurance at walang criminal record.

Batay sa ulat ng World Economic Forum at Nomad List, ang Pilipinas ay naging isang mabilis na lumalagong hub para sa remote work noong 2023. Nakatulong din ito sa pagtaas ng bilang ng mga foreign tourist na bumisita sa bansa noong 2024.

“From our pristine beaches, green mountain ranges to our city’s vibrant urban hubs, each location in the Philippines provides unique advantages for remote workers,” ayon kay Sen. Joel Villanueva.

Umaasa si Villanueva na sa pamamagitan ng Digital Nomad Visa, makakakita ang Pilipinas ng mas maraming digital nomads na magiging bahagi ng global workforce, at sa ganitong paraan, magpapatuloy ang paglago ng sektor ng turismo at ekonomiya.

“Digital nomads spend money and therefore, would benefit the economy. The Philippines is a promising destination for those who embrace nomadic lifestyle and leverage technology to work remotely from outside their home country,” saad ni Villanueva.

Ang nasabing panukalang batas ay inaasahang makatutulong sa pagpapalakas ng sektor ng turismo sa bansa at sa pag-aakit ng mga remote worker na magtrabaho at maglakbay sa Pilipinas.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble