MAS mahigpit na health protocol ang ipinatupad ng lungsod ng Pasay upang mapigilan ang paglaganap ng bagong South African variant (SAV) ng coronavirus disease (COVID-19).
Ito’y matapos maiulat na apat sa mga residente nito ay nagpositibo sa bagong strain.
Sinabi ni Mayor Emi Calixto-Rubiano, nakarekober na ang tatlong pasyente ngunit hindi pa tapos ang contact tracing at test.
Aniya, isasailalim pa ang mga pasyente ng sunod-sunod na tests bilang bahagi ng pagsisikap ng lungsod na makontrol ang lokal na transmisyon ng bagong variant.
“Hindi po tayo humihinto sa ating mga contact tracing para matiyak na mahahanap natin kung meron man silang nahawahaan,” ayon kay Rubiano.
Pinaalalahanan naman ng alkalde ang mga residente na huwag maging kumpiyansa lalo na sa pagdating ng mga COVID-19 vaccine.
Inilagay naman ang 77 barangay sa localized enhanced community quarantine habang isa sa mga barangay ay inilagay sa total lock-down.
Ani Rubiano, 210 na mga bahay mula sa 77 na barangay ay mahigpit na minomonitor.
Nasa 26 na bagong nurse ang ipinadala sa mga isolation facility na matatagpuan sa SM Mall of Asia, Folk Arts Theater, at Pasay Sports Complex.
Ipadadala rin ang karagdagang nurse sa isolation centers ng Oplan Kalinga.
Samantala, 180 police personnel naman ang inatasan na magpatupad ng mahigpit na community quarantine protocols habang 100 contract tracers din ang pinakilos para sa massive contact tracing efforts.
“Bagama’t gustong-gusto ko na talaga na mailagay kami sa MGCQ, subalit kailangan po muna naming makatiyak ng husto na talagang ligtas na ang aming lungsod mula sa virus bago kami ilagay sa MGCQ,” dagdag ni Rubiano.