KASUNOD ng pagkumpleto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr ng kanyang isolation period, ay muli nitong binigyang-diin sa mamamayan ang importansya ng pagpapabakuna at ng booster shots.
Sa kanyang VLOG 219, ikinuwento ni Pangulong Marcos na pangalawang beses na niya ito na tinamaan ng coronavirus disease.
Kaugnay nito, ibinahagi ni PBBM na malaking tulong aniya ang pagpapabakuna lalo na ang booster shot para hindi lumubha ang kanyang pakiramdam.
“Kung hindi dahil sa vaccine at booster shot ay siguradong mas malubha ang naging tama ko at aking pakiramdam dahil yung aking naging sintomas ay kaunting lagnat, kaunting pangangati ng lalamunan. Pero hindi na talaga siya bumaba sa aking baga at naging kumplikado. Kaya yan ang mensaheng pinagtutulungan naming lahat ngayon,” ani PBBM.
Saysay pa ni Marcos, hindi kailangang isabatas ang COVID vaccination, gayunpaman, habang tumatagal ay mas lumilinaw aniya ang sinasabi ng siyensya, na malaking tulong mula sa nakamamatay na virus ang pagbabakuna.
Kaya naman sa tulong ng Department of Health (DOH), ng Department of the Interior and Local Government (DILG) maging ng Department of Education (DepEd), isusulong muli ng pamahalaan ang malawakang kampanya para sa pagtuturok ng booster shot.
Preparasyon na rin aniya ito sa pagbabalik ng face-to-face classes at pagluwag ng iba pang mga safety protocol.
“Hindi naman talaga kailangan isabatas ito dahil malaya pa rin tayong mamili para sa ating sariling kalusugan. Pero habang tumatagal ay mas lumilinaw ang sinasabi ng siyensya, ang mga datos, at ang mga pag-aaral na ang pagbabakuna ay malaki ang naitutulong para sa ating kaligtasan mula sa COVID-19,” ani PBBM.
Sa pinakahuli ring social media post ni Pangulong Marcos, nagpahayag din ito ng update sa kanyang kalusugan matapos tamaan ng COVID-19.
Sinabi ng Chief Executive na wala na siyang sintomas at mabuti-buti na ang kanyang pakiramdam.
Nagpasalamat naman ang Punong Ehekutibo sa lahat ng nagparating ng kanilang pagbati at pangangamusta.
Ngayon, patuloy na ang pagtatrabaho ni PBBM sa Palasyo ng Malakanyang.
“Kaya’t nandito na naman tayo, balik na ako sa Palasyo. Eh gusto ko nga ibalita, hindi kayo magtataka itong aming, dito kung saan ako nagva-vlog ngayon sa inyo, ito dati ang aking bedroom, dito ako natutulog, dito ako nakatira noong ang ama ko ay Pangulo pa. Naiba, hindi na kagaya ng dati ngunit ay nakakatawa naman, kahit papano ay nababalikan ko itong mga iba’t ibang lugar,” ayon kay Marcos.
Samantala, sa inilabas na abiso ng DOH, makikipagpulong si Pangulong Marcos sa mga opisyal ng ahensya ngayong araw, Hulyo 18.
Una nang inihayag ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na makikipag-usap si Pangulong Marcos kay DOH OIC Rosario Vergeire sa araw na ito ng Lunes patungkol sa COVID-19 alert levels.
Susuriin din aniya ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang umiiral na alert level sa bansa.
Sa ngayon, mananatili muna ang umiiral na COVID-19 alert level status sa bansa habang wala pang bagong resolusyon na inilalabas ang IATF.
Kasabay nito, patuloy ring imomonitor ng IATF ang pandemic status sa bansa.
Sa kanya ring Facebook post nitong Hulyo 17, may pahayag si Pangulong Marcos kaugnay ng kanyang nalalapit na pinakaunang State of the Nation Address (SONA).
Inaanyayahan ni PBBM ang mamamayang Pilipino na samahan ito at pakinggan ang mga plano at mithiin nito para sa mga susunod na taon maging ang estado ngayon ng bansa.