IPINAG-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na gamitin ang naging extension ng deadline hanggang December 31, 2023 para sa consolidation.
Ito’y upang muling pag-aralan ang mga probisyon ng Department Order No. 2017-011 o ang Omnibus Franchising Guidelines (OFG).
Layon din ng nasabing kautusan na tiyakin na naisaalang-alang ang bawat aspeto ng implementasyon ng programa, kasama ang pagdinig sa mga hinaing ng mga driver at operator.
Nakasaad pa sa direktiba ni Pangulong Marcos na magsasagawa ang DOTr at ang LTFRB ng malalim at malawakang konsultasyon para masiguro na mas maging maayos ang pagpapatupad ng PUV Modernization Program (PUVMP).
Samantala, nagdesisyon na ang Manibela at PISTON na magbalik-pasada na sabay humingi ng paumanhin sa isinagawang transport strike.
Una rito ay nagkaroon ng pulong si Presidential Communications Office Secretary Cheloy Garafil at Office of the Executive Secretary Undersecretary Roy Cervantes kasama ang ilang transport groups na nagsagawa ng transport strike hinggil sa implementasyon ng modernization program.