PBBM suportado ang panawagan para sa tigil-putukan sa Gitnang Silangan

PBBM suportado ang panawagan para sa tigil-putukan sa Gitnang Silangan

Ipinahayag ni Pangulong Bongbong Marcos ang kaniyang suporta sa mga panawagang humihiling ng tigil-putukan sa pagitan ng mga bansang kasangkot sa nagpapatuloy na giyera sa Gitnang Silangan.

Sa isang press conference sa Malacañang nitong Marso 3, sinabi ni Marcos na bagama’t wala sa posisyon ang Pilipinas upang pormal na manawagan ng tigil-putukan, nananatiling umaasa ang bansa sa agaran at mapayapang resolusyon ng krisis.

Binigyang-diin ng Pangulo na bagama’t hindi direktang sangkot ang Pilipinas sa sigalot, nananatili itong nakababahala dahil sa presensiya ng mga Pilipino sa mga lugar na apektado ng labanan.

“Of course, we want the fighting to stop. But it’s not – the Philippines is not going to call for a ceasefire. The only people who can call for a ceasefire are those who are involved. We are only involved tangentially, if you want to call it that, because of our people who are there,” pahayag ni President Ferdinand Marcos Jr.

Ipinahayag din ng Pangulo ang suporta sa mga bansang inaatake at hiniling ang patuloy na tulong upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino.

Ayon sa ulat ng Department of Migrant Workers (DMW) noong Lunes, hindi pa ipinatutupad ang mandatory repatriation, ngunit nakahanda ang pamahalaan sakaling lumala ang sitwasyon.

Epekto ng tensiyon sa Gitnang Silangan sa remittances ng OFWs, binabantayan — PBBM

Tinututukan ni Pangulong Marcos Jr. ang posibleng epekto ng sitwasyon sa Gitnang Silangan sa remittances ng mga overseas Filipino workers (OFWs), lalo na sa Gulf countries kung saan nakapokus ang malaking bilang ng manggagawang Pilipino.

Sinabi ng Pangulo na mahalagang tutukan ng pamahalaan ang magiging epekto sa mga padalang pera ng mga OFW, dahil direktang naaapektuhan nito ang kabuhayan ng kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

“Karamihan ng remittances natin ay talaga diyan galing at ‘yan ang pinakamalaking working group natin na nandoon. Hindi nila kasama ang pamilya nila, kung hindi nagre-remit ng pera dito sa Pilipinas,” aniya.

Bukod sa employment situation, binigyang-diin din ng Pangulo ang epekto ng palitan ng dolyar at piso sa kabuuang halaga ng remittances.

“Kasi kung umakyat ang peso, lumalaki ang remittance. Pero kung bababa naman ang actual na dolyar na pinapadala dito, eh ‘di bababa. We don’t know where that balance is going to end as of now. So, we are watching it very closely,” aniya pa.

Inilarawan ni Marcos ang sitwasyon bilang isang “mixed bag” dahil mahirap pa sa ngayon na matukoy ang kabuuang epekto nito.

Sa ngayon, inilahad ng Pangulo na patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon upang agad na makatugon sakaling magkaroon ng malaking pagbabago sa daloy ng padalang pera mula sa mga Pilipino sa ibayong dagat.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble