PH gov’t, nakikipagtulungan sa Israel para maiuwi ang labi ng 2 Pinoy na nasawi sa Israel-Hamas conflict

PH gov’t, nakikipagtulungan sa Israel para maiuwi ang labi ng 2 Pinoy na nasawi sa Israel-Hamas conflict

NITONG Miyerkules, iniulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagkamatay ng dalawang Pilipino kasunod ng marahas na pag-atake ng Hamas sa Israel.

Ang mga ito ay kinumpirma rin ng mga awtoridad ng Israel.

Sa press briefing sa Malacañang nitong Oktubre 11, sinabi ni Philippine Ambassador to Israel Pedro Laylo Jr., sa Tel Aviv na nakipag-usap siya sa asawa ng isa sa mga biktima noong Martes ng gabi upang ipaalam ang malungkot na balita at upang ihatid ang pakikiramay ng embahada.

“I promised her that the embassy will provide all the necessary assistance she needs. The President will also speak to her today to convey his personal condolences and offer additional assistance,” ayon kay Amb. Pedro Laylo, Jr. Philippine Ambassador to Israel.

Inilahad naman ni OWWA Welfare Officer Dina Ponciano na nakikipagtulungan na ang embahada ng Pilipinas sa Israel sa mga awtoridad para sa pagpapauwi ng mga labi ng dalawang Pilipino, na napatay noong Sabado ng pag-atake ng mga militanteng Hamas malapit sa hangganan ng Gaza sa Southern Israel.

“We have received request for assistance para sa pagpapauwi ng dalawang nasawi. We are still coordinating with the authorities po sa pag-retrieve po ng body,” ayon naman kay Dina Ponciano Welfare Officer, OWWA.

33-anyos na babae mula Pangasinan at 42-anyos na lalaki mula Pampanga, nasawing mga Pilipino sa Israel

Ayon sa Philippine Consulate, isa sa mga biktima ay 33-anyos na may asawang babae mula sa Pangasinan, na anim na taon nang nagtra-trabaho sa Israel.

Habang ang isa pang biktima ay isang 42-anyos na lalaki mula sa Pampanga.

Bukod sa naturang impormasyon, ay tumanggi na ang embahada na isapubliko ang iba pang identities ng mga nasawing Pilipino sang-ayon na rin sa rekwes na privacy ng pamilya nito.

Tiniyak naman ni Ambassador Laylo na walang sawang nagtra-trabaho ang Overseas Workers Welfare Administration (MWO-OWWA) Team upang matiyak na ang lahat ng Pilipino ay accounted at ang mga apektado ay mabibigyan ng medical emergency assistance.

“We continue to provide Filipinos in Israel with timely advisories, safety guidelines, and important instructions through our social media accounts and messenger platforms. We also regularly hold Zoom briefings with Filipino community leaders,” saad ni Amb. Pedro Laylo.

PBBM, mabigat ang loob makaraang makumpirma ang pagkamatay ng 2 Pinoy sa Israel; patuloy na suporta sa mga Pilipino, tiniyak

Sa kabilang banda, nagpahayag ng labis na kalungkutan si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa natanggap na ulat na nasawi ang dalawang mamamayang Pilipino sa gitna ng nagpapatuloy na labanan sa pagitan ng Israel at Hamas.

“My heart is heavy upon hearing confirmation of the deaths of two Filipinos in Israel,” ayon kay President Ferdinand R. Marcos, Jr.

Sa statement na inilabas ni Pangulong Marcos, ay sinabi nitong mabigat ang kaniyang loob makaraang makumpirma ang masamang balita.

Giit ng Pangulo, kinukundena ito ng Pilipinas habang patuloy na nanindigan ang bansa na hindi ito sumasang-ayon sa anumang anyo ng karahasan at terorismo.

“The Philippines condemns these killings and stands firmly against the ongoing terror and violence,” diin ni Pangulong Marcos.

Sambit pa ni Pangulong Marcos, mananatiling determinado ang gobyerno ng Pilipinas sa paghahangad ng pangmatagalang kapayapaan alinsunod sa mga resolusyon ng United Nations (UN) at international laws.

Binigyang-diin din ng Punong Ehekutibo na hindi titigil ang gobyerno ng Pilipinas sa pagpapadala ng suporta sa mga apektadong overseas Filipino workers (OFWs) at Filipino community na apektado ng patuloy na sigalot sa pagitan ng Israeli forces at Hamas.

Bago nito, inatasan na ni Pangulong Marcos ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na hanapin at i-account ang lahat ng OFW at kanilang pamilya sa Israel.

Samantala, nagbigay naman ng katiyakan ang embahada ng Pilipinas sa Israel sa mga pamilya ng OFWs sa Pilipinas na mahigpit na binabantayan ng gobyerno ang kaligtasan ng kanilang mga mahal sa buhay sa gitna ng patuloy na hidwaan sa pagitan ng pwersa ng Israel at ng Palestinian militant group na Hamas.

“We take this opportunity to assure not just our kababayan here in Israel, but also their families there in the Philippines who we know are anxious to find out how their loved ones are coping in this difficult time,” ayon pa kay Amb. Pedro Laylo.

Follow SMNI NEWS on Twitter