TUTULAK na mamayang gabi ang 87 contingents ng Pilipinas para tumulong sa search and rescue operations sa Turkey.
Ito’y matapos na tumama ang 7.8 magnitude na lindol sa lugar.
Bitbit ang mga pangunahin kagamitan, umaasa ang nasa 87 contingents na may maisasalba pa silang mga buhay na biktima mula sa 7.8 magnitude na lindol sa nasabing bansa.
Batid ng kalihim ng Department of National Defense Sec. Carlito Galvez Jr. ang epekto ng trahedya na ito sa Turkish government kung kaya’t nangako ang Pilipinas na gagawin nito ang lahat na makatulong sa abot ng kanilang makakaya.
Ayon kay Galvez, hindi na bago ang Turkey sa Pilipinas dahil sa mga naitulong rin ng gobyerno nito sa bansa, isa na rito ang suplay ng bakuna sa kasagsagan ng pandemiya dulot ng COVID-19.
Samantala bukod sa mga kagamitan, tiniyak ng pamahalaan na sapat rin ang suporta nito sa mga rescue teams lalo na sa hamon ng temperatura sa nasabing bansa.
Batay sa taya ng pamahalaan, posibleng tumagal ang Philippine contingent ng hanggang dalawang linggo mula ngayon depende sa bilis ng kanilang operasyon sa paghahanap sa mga biktima ng nasabing lindol.
Ang grupo ay binubuo ng mga tauhan mula sa Office of Civil Defense (OCD), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Department of Health (DOH), Philippine Army, Philippine Air Force, at Metro Manila Development Authority (MMDA).
Bukod naman sa Pilipinas, nauna na ring bumuhos ang tulong at pagdating ng rescue teams mula sa iba’t ibang bansa sa mga lubhang apektado ng malakas na pagyanig ng lindol sa Turkey.
Matatandaang yumanig ang isang magnitude 7.8 na lindol sa Timog-Silangang bahagi ng Turkey nitong Enero 6, kung saan, batay sa inisyal na tala, ay umabot na sa mahigit isang libo ang nasawi sa trahedya habang halos dalawampung libo naman ang nasugatan.