Pilipinas, bibili ng bagong shore-based missile system sa India

Pilipinas, bibili ng bagong shore-based missile system sa India

BIBILI ang Pilipinas ng bagong shore-based missile system sa India para sa Philippine Navy.

Ito’y ayon sa Armed Forces of the Philippines, gagamitin ito sa mas pinalakas na Naval force ng bansa.

Kinumpirma mismo ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagpirma nito ng Notice of Award para sa Philippine Navy shore-based anti-ship missile acquisition project.

Ang BrahMos cruise missile ay nagkakahalaga ng $375-M na bibilhin mula sa BrahMos Aerospace Private Ltd. sa bansang India.

Ayon kay Lorenzana, ang nasabing proyekto ay una nang inaprubahan ng Office of the President bilang bahagi ng Horizon 2 priority projects noong 2020.

Una nang nakipagnegosasyon ang Philippine government sa gobyerno ng India para mapasama sa delivery ang tatlong batteries, ang pagsasanay ng mga operators at maintainers, gayundin ang Integrated Logistics Support (ILS) package.

Dagdag pa ni Lorenzana, ang naturang bagong strategic defense system ay ipapamahala sa Coastal Defense Regiment ng Philippine Marines na may malaking “boost” sa defense capability ng bansa.

 

Ang BrahMos cruise missile ay maaaring i-launch sa pamamagitan ng barko, aircraft, submarine, o sa kalupaan, at may kakayahan na magdala ng warheads na may bigat na 200 hanggang 300 kilograms.

Ayon sa BrahMos, ang missile ay mayroong flight range hanggang 290 kilometro na supersonic speed.

Sa panayam ng SMNI news kay AFP spokesperson Col Ramon Zagala, asahan pa aniya ang pagdating ng mas maraming kagamitang pandigma ng pamahalaan bago ang pagbaba sa pwesto ni Pangulong Duterte.

“Of course naorder na natin…yung mga landbased missile system yung inaasahang dumating,’’ayon kay Zagala.

Nauna nang ipinagmalaki ng Armed Forces of the Philippines ang kahandaan nito sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya at kagamitang pandigma lalo na sa laban ng pamahalaan kontra insurhensiya.

SMNI NEWS