Pilipinas, mawawalan ng 148-M doses ng COVID-19 vaccine kung isasapubliko ang presyo

MAWAWALAN ng aabot sa 148 million doses ng COVID-19 vaccine ang Pilipinas kung isasapubliko na ang presyo nito ayon mismo kay vaccine czar Carlito Galvez Jr.

Ang pahayag na ito ni Galvez ay sanhi ng mga komento ng mga kritiko tungkol sa hindi pagsasapubliko ng presyo ng mga bakuna.

Sa ngayon, hindi pa maaring isapubliko ang presyo ng mga bakuna dahil sakop ito ng confidentiality disclosure agreement.

Sa kabila nito, tiniyak ni Galvez na dadaan kay Department of Finance Sec. Carlos Dominguez ang mga kontratang pinipirmahan ng gobyerno sa pagbili ng bakuna kabilang na ang mga pinagkukunan ng loaN gaya ng World Bank at Asian Development Bank.

Samantala, magmumula ang 148-M doses ng COVID-19 vaccine sa Pfizer-BioNTech, Sinovac, AstraZeneca, Novovax, Johnson and Johnson, Gamaleya at Bharat Biotech.

Tiniyak naman ni Galvez na nasa 70 million na Pinoy ang mababakunahan laban sa COVID-19 ngayong taong 2021.

Pangulong Duterte, inatasan si Sec. Galvez na ilahad kay Sotto ang tungkol sa COVID-19 vaccine deal

Samantala, inatasan ni Pang. Duterte si vaccine czar Sec. Carlito Galvez Jr. na ilahad kay Sen. Vicente “Tito” Sotto III ang tungkol sa COVID-19 vaccine deal.

Ayon kay Pang. Duterte, ito ay upang maging transparent sa ginagawang transaksyon ng gobyerno ayon sa inihayag ni sen. Christopher Bong Go.

Matatandaang inihayag ni Sec. Galvez na ‘di niya maaring sabihin ang presyo ng mga bakuna dahil maaring mawala sa ating 148-M doses ng COVID-19.

Ani Galvez, ito ay dahil sa confidentiality disclosure agreements.

Ngayong Biyernes, nakatakda ang muling pagdinig ng Senate Committee of the Whole COVID-19 immunization program ng gobyerno.

SMNI NEWS