Pilipinas, tuloy pa rin sa pagbili ng mga helicopter sa Russia

Pilipinas, tuloy pa rin sa pagbili ng mga helicopter sa Russia

HINDI magbabago ang isip ng pamahalaan ng Pilipinas sa pagbili ng mga helicopter at armas sa Russia ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Ito’y sa kabila ng kinakaharap na tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Hindi apektado ang ugnayan ng Pilipinas at Russia sa mga nauna nang usapan sa pagitan ng dalawang bansa sa pagbili ng bagong mga sasakyang pamhimpapawid at mga armas para sa sandatahang lakas ng Pilipinas.

Sa panayam kay Sec. Lorenzana, wala nang makahahadlang pa sa proyekto na ito sa kabila ng kaguluhang kinasasangkutan ng Russia.

Sa katunayan aniya, nakapagbayad na ang Pilipinas ng downpayment sa ilang helicopters na manggagaling sa Russia.

Sakaling maayos ang lahat, dalawang taon mula ngayon ay asahan ang pagdating ng mga helicopters na ito sa bansa.

Matatandaang, inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang pagbili ng mga bigating helicopter sa Russia na nasa P12.7B  ang halaga para sa military modernization ng bansa.

Nauna na ring napabalita ang plano ng Pilipinas na pagbili ng dalawang submarine sa bansa para gamitin sa pagpapatrolya sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).

Kasunod nito ang naging babala naman noon ng Amerika sa Pilipinas na dapat anila igalang ng bansa ang matagal nang ugnayan ng US at Pilipinas bilang magkaalyadong bansa.

Samantala, nanatili namang neutral ani Lorenzana ang Pilipinas sa kasalukuyang sigalot na namamagitan sa Russia at Ukraine.

Ayon pa sa kalihim, walang kinalaman ang Pilipinas dito.

Sa kasalukuyan, ilang lugar na sa Ukraine ang binomba ng Russian military habang daan daang libong mamamayan nito ang apektado sa nasabing hindi pagkakaunawaan ng dalawang bansa.

Follow SMNI News on Twitter