INIHAYAG ni Punong Barangay ng Brgy. 76-A, Bucana, Davao City, Kap. Robert Olanolan na si Pastor Apollo C. Quiboloy ang numero uno sa kanilang listahan para sa pagka-senador sa darating na eleksiyon.
Kamakailan, naimbitahan ang kinatawan ni Pastor Apollo Quiboloy na tumatakbo bilang senador, si Eljayben Dandan, isa sa mga ministro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), sa Barangay 76-A, Bucana, Davao City—ang pinakamalaking barangay sa siyudad ng Davao na pinamumunuan ni Brgy. Capt. Robert Olanolan.
Layunin ng pagbisita ni Dandan ay upang mailatag ang plataporma de gobyerno ng Butihing Pastor na nakasentro sa mga pangunahing isyu ng bansa, lalo na ang pagsugpo sa korapsiyon, droga, kahirapan, at marami pang iba.
“Nakapag-decide si Pastor Apollo Quiboloy na tumakbo bilang senador, dahil gusto nito na maging boses ng tao sa Senado, maging boses ng mga inaapi, at inaabuso,” pahayag ni Bro. Eljayben Dandan, KOJC Minister.
“Babantayan rin ni Pastor Apollo Quiboloy ang kaban ng bayan, babantayan nito ang mga kurap sa gobyerno dahil nakita ni Pastor na walang ibang kawawa sa korapsyon, kundi ang mga tao,” paliwanag pa nito.
Ipinunto rin ni Dandan na ang mga nagawa ni Pastor Quiboloy sa KOJC ay isang ‘Exhibit A.’ Sa loob ng 40 taon, patuloy na dumami ang mga miyembro at lumago ang kongregasyon, mula sa isang maliit na kapilya sa Davao City hanggang sa umabot na ito sa buong mundo.
Sa pamamagitan ng liderato, dedikasyon, at malinis na intensiyon ni Pastor Quiboloy, naipatayo ang iba’t ibang imprastruktura sa KOJC para sa mga miyembro nito, kabilang na rito ang Prayer Mountain sa Tamayong at ang Glory Mountain.
Binuo rin ni Pastor Quiboloy ang Jose Maria College Foundation, Inc. sa layuning makatulong at magpaaral nang libre sa mga kabataang kapos sa buhay, upang matulungan silang maiahon ang pamumuhay ng kanilang pamilya.
Isa sa pinakamalaking proyekto ni Pastor Quiboloy ang King Dome, isang indoor arena na may 75,000 seating capacity at itinuturing na pinakamalaki sa buong mundo.
“Kung matutulungan natin si Pastor na maihalal sa Senado, mas marami pa itong magagawa sa buong Pilipinas. Ang gusto ni Pastor Apollo na maibalik lahat sa tao ang nararapat sa kanila. Panahon na upang magtamasa ang taumbayan sa mga serbisyo, dahil pera nila ito. Kaya huwag nating kalimutan si Pastor Apollo C. Quiboloy, suportahan natin,” pagbibigay-diin ni Dandan.
Kaya naman suportado ng Barangay 76-A, Bucana, Davao City, ang kandidatura ni Pastor Apollo dahil sa mga adbokasiya nitong makamasa at makabayan.
Sinabi ng punong barangay na suportado rin niya si Pastor Apollo dahil mahalaga na maitaguyod ang kahalagahan ng religious at family affairs sa lahat ng pamilya sa bansa.
“Itong religious affair at activities, good family relations programs, ito ang nais nating maisulong ni Pastor. Dahil nasa kay Pastor ito, nakikita natin ito sa kanya. Walang KOJC na susuporta kay Pastor kung hindi mabuti ang intensyon nito, at iyan rin ang binasehan ko,” paliwanag ni Olanolan,
“May 860 functionaries ako, kaya, kaya natin ito. Kahit 10 functionaries lang, malaking boto na iyan para kay Pastor, maaasahan ito ni Pastor, at alam ko ang personalidad ni Pastor Quiboloy. Pastor, good luck, huwang kang mag-alala, bilang ama ng Barangay, sisikapin ko na isa ka, masasali ka, ikaw ang number one, dito sa aking barangay,” aniya.