Pinoy kickboxing champs, pinapupurihan ni Sen. Jinggoy sa Senado

Pinoy kickboxing champs, pinapupurihan ni Sen. Jinggoy sa Senado

NAGHAIN ng resolusyon sa Senado si Senator Jinggoy Ejercito Estrada para papurihan at bigyan ng pagkilala ang pagkapanalo ng mga Pilipinong atleta na lumahok sa katatapos na 2022 Asian Kickboxing Championships na ginanap sa Bangkok, Thailand.

Ang koponan ng bansa na binubuo ng 14 na miyembro na lumahok sa nasabing continental meet, na isang qualifying tournament sa 2023 World Combat Games na gaganapin sa Riyadh, Saudi Arabia, ay nakapag-uwi ng 4 na ginto, 1 silver at 6 na bronze medals.

“Ang mga Pilipinong manlalaro na lumaban sa Elite Kickboxing Competition ay nagpakita ng hindi matatawarang katapangan at katatagan sa hindi pagsuko para ipaglaban ang karangalan ng bansa sa harap ng mga matitinding hamon na kanilang sinuong. Ang kanilang tagumpay sa international arena ay nagbigay ng napakalaking karangalan, katanyagan at magsisilbing inspirasyon sa ating mga kababayan. Kaya nararapat lamang na papurihan sila ng Senado,” ani Estrada.

Sa paghain ng Senate Resolution No. 393, hiniling ni Estrada na bigyan ng papuri ang mga Pilipinong kickboxer na humakot ng mga medalya para sa bansa.

Nanguna rito ang 22-anyos na magsasaka mula sa Cebu na si Jovan Medallo na nakakuha ng gintong medalya sa kanyang paglahok sa Senior Men’s Creative Musical Form with Weapons category, at ito’y sinundan ni Renalyn “Renz” Dacquel na tubong Abra.

Nasungkit ni Dacquel ang ginto sa Women’s Low Kick -48 kg event habang si Jean Claude “The Dynamite” Saclag ay naghari sa Men’s Low Kick -63.5 kg event, samantalang si Gina Iniong-Araos naman ang nanguna sa Women’s Low Kick -60 kg event.

Si Karol Maguide ay ginawaran ng silver medal sa Men’s Full Contact -54 kg event. Ang 6 na bronze medalists naman ay sina Ralph Chein Yosorez na lumahok sa Women’s Musical Form Hard Style category, Gretel de Paz sa Women’s Low Kick -56 kg event, Jomar Balangui sa Men’s Low Kick -57 kg class, Kurt Lubrica sa Men’s Low Kick -51 kg event, Claudine Veloso sa Women’s Point Fighting -55 kg category, at Carlos Alvarez sa Men’s Point fighting -69 kg division.

Nais ni Estrada na bigyan ng kopya ng resolusyon hindi lamang ang mga nasabing mga Pinoy medalists kundi maging ang kani-kanilang mga coaches at trainers.

Follow SMNI NEWS in Twitter