LIGTAS nang nakauwi sa bansa nitong Linggo ng gabi ang karagdagang 79 Pinoy, kabilang ang 77 OFWs at dalawang menor de edad, mula sa Lebanon. Ang repatriation na ito ay bahagi ng programa ng pamahalaan para sa kusang pag-uwi ng mga manggagawang Pilipino.
Sinalubong nina Migrant Workers Secretary Hans Leo J. Cacdac at mga opisyal ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga repatriates sa kanilang pagdating.
Sa kasalukuyan, nakapag-uwi na ang pamahalaan ng kabuuang 637 OFWs at 32 dependents mula sa Lebanon sa gitna ng patuloy na tensiyon sa pagitan ng Hezbollah at Israel, na nagdudulot ng panganib sa kaligtasan ng mga Pilipino.
Bilang bahagi ng tulong ng gobyerno ng Pilipinas, ang mga repatriates ay agad na binigyan ng pagkain at tulong sa transportasyon upang makauwi sa kanilang mga probinsya. Inaalok din ang hotel accommodation kung kinakailangan, at may financial assistance na handa para sa kanilang muling pagsisimula sa Pilipinas.
Bukod rito, may mga serbisyo na ibinibigay pagkatapos ng kanilang pagdating tulad ng counselling, medical check-ups, at reintegration programs upang mas mapadali ang kanilang pagbabalik at pagsisimula muli sa bansa.
Sa mga susunod na araw, inaasahan pa ang karagdagang bilang ng OFWs at dependents na makakauwi sa Pilipinas mula sa Lebanon.