IKINATUWA ng Philippine National Police (PNP) ang mataas na trust at performance rating na kanilang nakuha sa publiko.
Batay ito sa tugon ng Masa Survey ng OCTA Research na isinagawa nitong nakaraang March 24-28, 2023.
Batay sa resulta, 8 sa 10 Pilipino o katumbas ng 80 porsiyento ang nagtitiwala sa PNP, habang halos 8 sa 10 o katumbas ng 79 percent ang kuntento sa kanilang pagganap sa tungkulin.
Ayon kay PNP Chief Police General Benjamin Acorda Jr., ang nasabing porsiyento ay sumasalamin ng malaking pagtitiwala ngayon ng publiko lalo na sa kampanya kontra kriminalidad at pagtataguyod ng kaayusan at kapayapaan sa bansa.
“The PNP is pleased with the findings of the recent Tugon sa Masa Survey by OCTA Research. The survey reveals that the majority of Filipinos have trust and are satisfied with the PNP’s performance in maintaining peace and order,” PGen. Benjamin Acorda Jr., Chief, PNP.
“We assure the public that we will take their feedback into account as we continue to serve the nation,” aniya pa.
Sa panayam naman ng SMNI sa tagapagsalita ng PNP na si PCol. Jean Fajardo, aniya malaking bagay ang resulta ng survey sa kanilang pagganap ng tungkulin dahil magsisilbi aniya itong inspirasyon na pagbutihin pa ang kanilang trabaho lalo na sa mandato na protektahan ang mamamayan anumang oras.
Sa kabila aniya ng mga kontrobersiya at mga hamon, nananatili silang matatag sa gitna ng mga kapagsubukan.
“Yung sa survey na OCTA latest survey po na nagsasabi nga po na 8 sa 10 tao at least 80% po ng ating mga kababayan ang patuloy nga pong nagtitiwala sa kapulisan at ‘yan po ang ating ipinagpapasalamat at sa kabila na tayo ay humarap sa mga kabi-kabilang isyu at problema ay patuloy po tayong pinagkakatiwalaan ng ating mga kababayan at asahan po ninyo na ito ay gagawin naming inspirasyon para mas lalo pa naming pagbutihin ang aming trabaho,” ayon kay PCol. Jean Fajardo, Spokesperson, PNP.
Sa huli tiniyak din ng PNP na isasaalang-alang nila ang reaksiyon ng publiko habang patuloy na pinagbubuti ang kanilang paglilingkod.