PNP, nakapagtala ng 90 ‘bomb threats’ sa loob lamang ng isang araw—PNP-PIO

PNP, nakapagtala ng 90 ‘bomb threats’ sa loob lamang ng isang araw—PNP-PIO

NITO lamang Lunes, hindi lang isa kundi halos 100 beses nakatanggap ng bomb threats ang bansa.

Batay sa datos ng PNP Explosive Ordinance Division, umabot ng 80-90 na mensaheng pagbabanta ang kanilang natanggap mula sa hindi pa malamang source kasama na ang talamak na Takahiro Karasawa.

Ang nasabing bomb threats ay hindi lamang nakasentro sa Metro Manila, kundi maging iba’t ibang rehiyon gaya ng Region 3, at Region 7.

“Last Feb. 12 ay almost 80 to 90 threatening messages, according to EOD, ang natanggap at hanggang kahapon ay rumeresponde sila sa mga late reporting. So, hinihintay lang natin ‘yung datos galing sa EOD. Saan-saan itong sinasabi nila na more than 80 na mga threatening emails na na-receive all over the country, hindi lamang dito sa Metro Manila, pati sa Region 3 and even Region 7, may mga natanggap tayo,” saad ni Col. Jean Fajardo, Chief, PNP-PIO.

Bagama’t wala pa naman talagang nangyayaring seryosong banta sa seguridad ng publiko mula sa nasabing mga bomb threat na ito, patuloy ang pagsisikap ngayon ng PNP at mga yunit nito na palakasin ang kanilang kakayanan sa pagresponde sakaling magkatotoo ang mga ito.

“Ito ‘yung challenge dahil limited naman ‘yung meron kakayanan at trained to address itong mga bomb threats kaya ‘yung mga territorial units ngayon ay nirere-orient ng ating EOD on properly responde sa mga bomb threats. Tama kayo although may mga instances na alam natin na mga hoax lang ito pero hindi natin pupuwede ipagwalang-bahala ito,” dagdag ni Fajardo.

Sunud-sunod na ‘bomb threat emails’ ng isang Takahiro Karasawa, itinuturing nang isang Transnational Crime—PNP

Samantala, bukod sa Pilipinas, marami pang bansa ang biktima ng email bomb threat ng isang Takahiro Karasawa.

Kaya naman para sa PNP, maitututing na itong transnational crime dahil na rin sa bantang hatid nito sa publiko at ibayong dagat.

Aminado ang pambansang pulisya na malaking hamon para sa kanila ang pagtunton sa kung sino ang nasa likod ng pagpapakalat ng bomb threat e-mail gamit ang pangalang Takahiro Karasawa.

Nabatid kasi na maliban sa Pilipinas at Japan, nagpakalat din ng kahalintulad na e-mail ang gumagamit sa pangalan ni Karasawa sa South Korea at Taiwan

“The same name ‘yung ginamit Takahiro Karasawa. So, this is really an international effort para talaga ma-determine at this will really take time kasi this involves collation ng digital data. Talagang ito ay mako-consider na transnational crime so kailangan talaga natin ng tulong ng lahat ng ahensya ng gobyerno at mga foreign counterpart,” ani Fajardo.

Batay sa kanilang pakikipag-pulong sa Department of Information and Communications Technology (DICT) kasama ang iba pang law enforcement agencies, lumalabas na totoong tao si Karasawa subalit na-hack ang kaniyang e-mail na siya ngayong ginagamit para maghasik ng takot.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble