PNP, walang naitatalang untoward incident kasabay nang malawakang transport strike

PNP, walang naitatalang untoward incident kasabay nang malawakang transport strike

SA ipinadalang mensahe sa media ni  Philippine National Police (PNP) PIO Chief PCol. Jean Fajardo, kinumpirma nito na walang naitalang untoward incident ang kanilang hanay kaugnay sa isinagawang tigil- pasada ng ilang transport groups partikular na sa Metro Manila.

Batay sa report ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa PNP headquarters, nasa humigit kumulang 600 mga tsuper ang nakikiisa sa tigil pasada sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

Sinabi pa ni Fajardo, hindi naman nagtagumpay ang mga ito na paralisahin ang transportasyon ngayong araw dahil marami namang nag-aalok ng ‘Libreng Sakay’ at marami ding paaralan ang piniling huwag magsagawa ng face to face classes.

“Based sa report po ng NCRPO as of 1:00pm today, relatively peaceful so far ang transport strike sa NCR.. More or less close to 600 po ang namonitor nag protesta in different locations sa NCR. No untoward incident reported so far as of 1pm. ‘Di naman daw po naparalisa ang transportation,” pahayag ni PCol. Jean Fajardo, Chief, PNP-PIO.

Taliwas din ito sa sinasabing naapektuhan ang ilang lugar sa Monumento, Baclaran, Katipunan, Novaliches, at Commonwealth.

Ani Fajardo, mayroon silang sapat na mga tauhan para umalalay sa mga maaabalang motorista at mananakay.

“We deployed mobile patrols for ‘Libreng Sakay’ po,” ayon kay Fajardo.

Ang naturang tigil-pasada ng grupong PISTON at Manibela ay para tutulan ang itinakdang deadline para sa franchise consolidation application ng mga public utility vehicle (P[UV) sa Disyembre 31.

Panawagan din ng grupo na huwag silang puwersahin na sumali sa isang kooperatiba at bumili ng modernization dyip.

Sinabi naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi nila pinipilit ang mga drivers at operators na bumili ng mga modernization jeepney.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble