PARA sa maraming pasahero, ang dagdag na ₱200 o higit pa kada buwan ay isang malaking halaga na magpapalala pa sa kanilang sitwasyon, lalo na sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin. Hindi lamang ito dagdag-gastos sa pamasahe, kundi dagdag-problema rin sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Isang senior citizen na si Kuya Ben, kahit hindi araw-araw sumasakay sa LRT, ay aminadong apektado pa rin ang kagaya niya sakaling maitaas ang pamasahe sa LRT-1.
“Taas na nga ang mga bilihin, tataas pa ang pamasahe! Sakit sa bulsa. Senior na ako, may discount naman pero hindi sapat. Paano pa kaya ang iba?” Ben Paner, pasahero ng LRT.
Ganoon din ang sentimyento ni Airis, isang estudyante. Aniya, araw-araw siyang gumagastos ng ₱50 para sa pamasahe.
“Makaapekto po siyempre. ‘Yung iba kong pera, iaano ko pa sa LRT? Nakakalungkot lang,” wika ni Airis, pasahero ng LRT.
Para naman kay Aljion, kahit ₱5 lang ang dagdag, mabigat na ito sa kaniyang bulsa. Araw-araw siyang gumagastos ng ₱60 o ₱1,800 kada buwan para sa pamasahe sa LRT.
Katulad rin ang nararamdaman ni Lani, isang manggagawa.
“Yes po lalo na, lalo na hindi naman tumataas ang sahod dito sa Pilipinas,” ayon kay Lani, pasahero-LRT.
Hiniling ng LRMC ang taas pasahe na ₱18.15 boarding fare at ₱1.65 distance fare.
Noong 2023, inaprubahan ang pagtaas sa minimum boarding fee ng LRT 1 at 2 sa P13.29 mula sa P11 at P1.21 per kilometer rate mula sa P1.
Sa public hearing, ipinaliwanag ni LRMC President & CEO Enrico R. Benipayo ang patuloy na pagkakaiba sa hinihingi nilang pamasahe at sa inaprubahan ng gobyerno mula pa noong 2014.
Ang paulit-ulit na pagtanggi sa pagtaas ng pamasahe ay nagresulta sa malaking pagkalugi ng LRMC.
Ang kabuuang fare deficit mula 2016 hanggang 2024 ay umabot sa P3.61B.
Ngunit, matapos tanggalin ang ilang mga gastos, ang net fare deficit ay umabot sa P2.17B.
Sinabi ni Benipayo na nakasaad sa kontrata ang obligasyon ng LRMC na mag-invest ng capital para mapabuti ang sistema, at kung hindi maaprubahan ang pagtaas ng pamasahe, ang gobyerno ang magbabayad ng kakulangan.
Ang LRMC ay pinapayagang humiling ng fare adjustments ng 10.25% kada dalawang taon.
“Currently, we’ve spent a little less than ₱15 billion. To be able to build the complete extension, we really need the support of the government. It’s either the fare increase and of course, the payment of the deficit,” saad ni Mr. Enrico R. Benipayo, President & CEO, Light Rail Manila Corp. (LRMC).
Ayon naman kay DOTr Asec. Jorjette Aquino, chairman ng public hearing, aabutin ng dalawang buwan at tatlong linggo ang lahat ng proseso bago maipatupad ang bagong fare adjustment.
“Base on the rules and regulations…we are given a maximum of 30 days to evaluate and give recommendations and decisions…depende ‘yan sa magiging result ng evaluation,” ayon kay ASEC. Jorjette Aquino, Department of Transportation.