NGAYONG araw ay tinuldukan na ni House Speaker Lord Allan Velasco ang usapin hinggil sa prangkisa ng ABS-CBN.
Nabuhay ang usapin matapos maghain ng dalawang ABS-CBN franchise bill sina Batangas Rep. Vilma Santos Recto at Camarines Sur. Rep. Gabriel Bordado.
Pero ayon kay Velasco, sa susunod na kongreso na matatalakay ang prangkisa ng ABS-CBN.
“Calls to revive the franchise of ABS-CBN will have to wait until the next Congress,” pahayag ni Velasco.
Diin ni Velasco, salat na sa panahon ang 18th Congress para isingit pa ang prangkisa.
Nakatuon na raw kasi ang pansin nila ngayon na maisabatas ang natitirang priority measures ng administrasyon.
“With a little over a year until the 2022 elections, the House of Representatives is bent on finishing the remaining priority measures of this Administration to ensure that President Rodrigo Roa Duterte fulfills his campaign promise to the Filipino people,” aniya pa.
May pending economic bills din aniya na dapat maiprayoridad na maisabatas ngayong may pandemya tulad ng Bayanihan 3.
“On top of these priority legislation, we would like to see the passage of Bayanihan 3, as well as other economic bills geared toward rebuilding the Philippine economy shattered by the devastating impact of the global pandemic and rebuilding the lives of every Filipino disrupted by the health crisis,” ayon pa ni Velasco.
Para naman kay Deputy Speaker Rodante Marcoleta, mainam ang naging pahayag ni Speaker Velasco.
Sinabi ni Marcoleta marami pang atraso ang ABS-CBN management- bagay na hindi nila mapapalampas sa Kamara.
Para naman kay dating House Blue Ribbon Committee Chairman, Jonathan Sy-Alvarado, dapat matiyak ni Speaker Velasco na hindi na gagalaw pa ang kaniyang mga kaalyado na Pro ABS-CBN.
At kung si dating Deputy Speaker Lray Villafuerte naman ang tatanungin, kailangan raw mamili ni Speaker Velasco kung sino ang kaniyang susundin, ang boses ba ng Pangulo o ang payo ng mga kaalyado niyang kakampi ng ABS-CBN.
Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nito hahayaan na makapag-operate muli ang ABS-CBN nang hindi nababayaran ang mga utang nito sa gobyerno.