NAKIKITANG solusyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pre-shipping inspection ng agricultural commodities laban sa smuggling.
Inihayag ni Pangulong Marcos na isinasaalang-alang niya ang rekomendasyon ng Société Générale de Surveillance (SGS) na magsagawa ng mga pre-shipping inspection laban sa smuggling.
Sa isang pagpupulong sa Malacañang nitong Huwebes, pinakinggan ni Pangulong Marcos ang mga mungkahi ng SGS upang matigil ang pagpupuslit ng agricultural goods sa bansa at masigurong malinis ang mga inaangkat na produkto.
Saysay ni Pangulong Marcos, ang pagsasagawa ng mga pre-shipping inspection ay isang hakbang upang mahinto ang smuggling ng mga produktong pang-agrikultura at matiyak ang kaligtasan nito para sa pampublikong pagkonsumo.
Kaugnay dito, inatasan ni Pangulong Marcos ang Department of Finance (DOF) at Department of Agriculture (DA) na pag-aralan ang mga inihaing estratehiya ng kompanya.
Kabilang dito ang paggawa ng digital invoice at ang proseso ng pre-shipping inspection.
Kasama sa mga pamamaraang ito ang masusing pagsusuri sa pagiging lehitimo, timbang, kalidad, at naitalang pinagmulan ng mga kalakal.
Nagpahayag din ng interes si Pangulong Marcos sa posibilidad ng paggamit ng mga digital invoice para sa kaginhawahan ng pagbabayad at mahusay na pagproseso ng mga kalakal.
Saad pa ng pangulo, mag-e-extend sila para masakop ang mga agricultural invoice upang bago dumating ang mga eroplano o barko, nabayaran na ang mga kargamento, na nagpapabilis sa proseso.
Kailangan ding magsagawa muna ng cost analysis upang matiyak na walang dagdag na pasanin ang ipapataw sa mga mamimili.
Sa kabilang banda, ang pagsasagawa ng pre-shipment inspection (PSI) at conformity assessment procedures ay magtitiyak na ang dami at iba pang detalye ng mga kalakal ay umaayon sa sanitary at phytosanitary import permit.
Sinasabi ng Société Générale de Surveillance (SGS) na tutugunan nito ang smuggling at pipigilan ang pagkalat ng mga sakit tulad ng African swine fever at Avian Flu.
Ang mga invoice ay magiging available in real time sa Department of Agriculture (DA), Bureau of Internal Revenue (BIR), at Bureau of Customs (BOC), na, ayon sa SGS, ay hahadlang sa mga importer na manipulahin o palsipikahin ang mga invoice.
Sa halip, pataasin nito ang tax compliance, at paganahin ang cross-agency trade data reconciliation.
Ang Société Générale de Surveillance (SGS) ay isang Swiss multinational company sa Geneva na nagbibigay ng inspection, verification, testing at certification services.