Presensiya ng mga base militar ng US sa Pilipinas, nagpapakita ng malinaw na pagsuko ng soberanya ng bansa ayon sa isang grupo

Presensiya ng mga base militar ng US sa Pilipinas, nagpapakita ng malinaw na pagsuko ng soberanya ng bansa ayon sa isang grupo

NAGPAPAKITA ng malinaw na pagsuko ng soberanya ng bansa ayon sa isang grupo ang Presensiya ng mga base militar ng US sa Pilipinas.

Naglabas ng hinaing ang grupong Treasure Hunters Association of the Philippines (THAPI) patungkol sa naitatag na Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sa bansa.

Ang EDCA ay isang kasunduan na nilagdaan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika para sa mas malalim na defense cooperation at nagsusulong ng pagpapatupad sa Mutual Defense Treaty (MDT).

Kaisa si Arnel Cruz at iba pang mga kasapi ng nasabing asosasyon sa ginanap na peace rally na inorganisa ng Hakbang ng Maisug sa Angeles City, Pampanga.

Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Cruz na ang presensiya ng mga base militar ng Estados Unidos sa Pilipinas ay nagpapakita ng isang malinaw na pagsuko ng soberanya ng bansa.

Ito aniya ay pagpapakita rin ng pagmamataas ng Amerika kung saan puwede nilang gawin ang gusto nilang gawin kahit sa anong bansa.

“Bakit? Makikita ninyo na ang mga base militar na ito ay mayroong sariling pagkilos na walang pakialam ang ating gobyerno at sila’y malayang nakakikilos sa ating sambayanan. Papaano nila nagagawa ito. Samantalang ‘pag pumunta naman tayo sa Amerika sa kanilang bansa, hindi naman natin ito magawa at hindi tayo papayagan. Ito ay pagpapakita lamang ng kanilang pagmamataas sa atin bilang mga Pilipino na sila ay mataas at puwede nilang gawin ang gusto nilang gawin kahit sa anong bansa at dito ngayon ay kanilang ginagawa. At ating pinapayagan,” ayon kay Arnel Cruz, Treasure Hunters Association of the Philippines (THAPI).

Treasure Hunters Association, iminungkahi ang pagkakaroon ng preventive measures kaugnay ng inaasahang panganib na dala ng EDCA sa bansa

Idinagdag pa ni Cruz na ang EDCA ay maaaring magdulot ng matinding panganib sa bansa lalo na sa posibilidad ng pag-atake kaugnay ng isyu ng pakikialam ng US at Pilipinas sa mga usapin sa pagitan ng China at Taiwan.

Kaya naman iminungkahi ng grupo ang pagkakaroon ng preventive measures at ilayo ang mga tao na nakatira malapit sa base-militar upang maiwasan ang ganitong panganib.

“Ano ang ibig sabihin? Ang mga Pilipino ay mayroong problema simula at sapul. Tayo ay reactionary instead of being defensive. Tayo ay kumikilos lamang kung mayroong nangyari na. Kapag may nangyari na saka palang tayo gumawa ng hakbang. Sa halip na dapat bago pa dumating ang mga bagay na sakuna ay nakagawa na tayo ng preventive measures,” ani Cruz.

Dapat aniyang magsagawa ng relokasyon upang protektahan ang mga sibilyan mula sa posibleng pag-atake.

“Ang sinasabi ko, kinakailangan na ang bawat isa sa atin doon sa mga nasa base ay dapat magkaroon ng relocation na kung sa gayon mag-away at mag-away ay hindi sila tatamaan. Ang problemang ito ay katulad din ng problema sa Ukraine na ang Pilipinas ay ginagamit as a proxy ng labanan between China at Amerika. Wala tayong kalaban, hindi natin kalaban ang bawat isa pero tayo ang mapeperwisyo, tayo ang mamamatay,” dagdag pa nito.

Naniniwala naman ang grupo na ang mga kasunduan sa pagitan ng mga namumuno sa Pilipinas at Estados Unidos ay tiyak na may kapalit.

Seguridad ng bansa, nakompromiso dahil sa EDCA ayon sa dating Executive Secretary

Samantala, tinuligsa rin ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez ang pagkatatag ng EDCA kung saan nakompromiso na aniya ang seguridad ng bansa dahil dito.

Matatandaan na mula sa limang EDCA bases ng mga Amerikano, ay dinagdagan ito ng Marcos administration ng apat pa.

“Bawal din po iyan sapagkat kung inyo pong matatandaang noong 1991 ay sinipa ng gobyerno ng Pilipino sa ating Senado noon ang base militar ng mga Amerikano, binalik po ngayon, hindi lang isa, hindi dalawa, kundi siyam na base militar ng Amerikano. Bawal na bawal po iyan,” ayon naman kay Atty. Vic Rodriguez, dating Executive Secretary.

Binigyang-diin din ni Rodriguez na hindi interes ng Pilipinas ang digmaan.

“Gawin na po natin na marinig nila ang ating tinig sapagkat mas mahirap pahintuin ang isang digmaang nagsimula na kaysa sa ginagawa nating pigilan ang administrasyon ni Marcos na simulan ang digmaan laban sa China,” dagdag pa nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble