MULING dinaluhan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang campaign rally ng PDP-Laban sa Caloocan City.
Hapon pa lang ay dinagsa na ng mga taga-suporta ang labas ng Caloocan National Science and Technology High School sa Congressional Road, Brgy. 173.
Ramdam na ramdam sa lugar ang mainit na pagsalubong ng mga taga-Caloocan sa senatorial, guest at local candidates ng PDP-Laban.
Pagsapit ng gabi ng Martes, dumating at pinangunahan ni Pangulong Duterte ang pangangampanya ng kanyang senatorial bets.
Isa-isang ikinampanya ni Pangulong Duterte ang senatoriables ng ruling party kasama ang guest senatorial candidates at mga tumatakbo sa lokal na posisyon.
Kasama sa dumalo sa campaign rally sina senatorial candidates Rodante Marcoleta, Gilbert ‘Gibo’ Teodoro, Greco Belgica, Robin Padilla, Jinggoy Estrada, Salvador Panelo, Mark Villar, Harry Roque, Gringo Honasan, Rey Langit, Loren Legarda at Astra Pimentel.
Bago ang talumpati ng Pangulo, nagkaroon muna ng presentation ng senatorial candidates sa pangunguna ni PDP Laban President at Energy Sec. Alfonso Cusi.
Sa mensahe ni Cusi, muling binanggit nito ang susuportahang presidential candidate ng partido na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr at sa vice presidential race naman si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Sa naging talumpati naman ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naturang campaign rally, sinabi nito na panahon na para palitan ang ilang matagal nang nakaupong senador.
Pinayuhan din ng Punong-Ehekutibo ang mga botante na mamili ng mga kandidato na nasa puso ang taumbayan.
BASAHIN: PRRD, umaasa na magiging magaling sa lahat ng aspeto ang susunod na administrasyon