INANUNSIYO ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumubuti na ang ekonomiya ng iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas.
Patunay dito ang inilabas na listahan ng mga rehiyon na may pinakamalaking Gross Regional Domestic Product (GRDP) noong 2022.
Muntik nang magsara ang kainan sa kahabaan ng Maginhawa Village sa Quezon City noong kalagitnaan ng 2021 dahil sa pandemya bunsod ng COVID-19.
Ayon sa baristang si Mark, matumal ang pagdating noon ng mga customer dahil sa nilimitahan ng pamahalaan ang paglabas ng tao dahil sa tumataas na kaso ng naturang virus.
Pero, taong 2022 ay unti-unti na sila nakabawi dahil sa pagluwag ng restriksiyon kung kayat marami-rami na rin ang nakalalabas ng bahay.
Unti-unti na ring gumiginhawa ang iba’t ibang negosyo katulad na lamang sa kainan na pinagta-trabahuan ni Mark.
Sa katunayan, inilabas ng PSA umaga ng Huwebes ang listahan ng GRDP noong 2022 ng iba’t ibang rehiyon sa buong Pilipinas.
Nanguna rito ang Region VI na bumilis ang paglago ng ekonomiya na aabot sa 9.6%, pumapangalawa ang Cordillera Administrative Region (CAR) na nasa 8.7%, sumunod ang Region XI na nakakuha ng 8.2%, kapareho rin ang nakuhang GRDP ng Region III at Region V habang 7.2% ang sa National Capital Region.
Batay sa ulat ni PSA-NCR Regional Director Paciano Dizon, mas bumilis ang paglago ng ekonomiya sa NCR noong 2022 kung ikukumpara sa 4.4% noong 2021.
Katumbas ito ng 6.3 trilyong pagtaas sa kita ng NCR noong 2022.
Kabilang pa sa mga nagtulak ng paglago ng ekonomiya ng NCR ay wholesale at retail trade, financial and insurance activities, at professional and business services.
Tumaas din ang average real per capita ng GRDP ng NCR ng 6% noong 2022.
Ipinunto naman ng PSA na makikita sa 2022 economic performance na matatag at tuluy-tuloy na ang recovery sa NCR at nararamdaman na ito ng taumbayan.
Sa kabila nito, nakabantay naman ang PSA sa mga sektor partikular na sa NCR na posibleng maapektuhan ang GDRP dahil sa iba’t ibang banta tulad na lang ng weather disturbance at iba pa.