BINALAAN ngayon ng mga awtoridad ang publiko laban sa mga naglipanang online scam ngayong Semana Santa.
Modus umano kasi ng mga kawatan ang mag-offer ng murang flight tickets at hotel accommodation.
Kaugnay nito, sa pulis station ang bagsak ni Sandy ngayon sa kalagitnaan ng Semana Santa matapos itong mabudol ng mga kawatan.
Biktima kasi ito ng online fraud gamit ang GCash.
Ang modus, pagbebenta ng mga gamit sa mas murang halaga.
Pero sa dulo ng transaksiyon, walang matatanggap na item ang buyer.
At kakuntsaba ng mga bogus online seller at mga bogus delivery rider dahil magpapanggap na ipapadala ang biniling item.
“Ano na lang, bilang naloko po ako sana aral na lang po sa akin yun,” ani Sandy Ayob, biktima ng online fraud.
Si Sandy ay isa lamang sa libu-libong biktima ng online fraud sa bansa.
Lalo na ngayong Lenten break at marami ang mga biyahero.
Sa monitoring ng BPI, tumaas ang bilang ng bogus vacation vouchers at donation pledges na ipinapadala sa text at email.
Lalo na gumagaling na ngayon ang mga kawatan sa internet.
“The public should be careful of these scams and fake offers, as fraudsters use various tactics, such as phishing, to obtain personal information,” saad ni Jonathan Paz, BPI Enterprise Information Security Officer and Data Protection Officer.
Paliwanag naman ng isang eskperto, laging nag-aabang ang mga kawatan ng mga mabibiktima.
“So ngayong Holy Week season, ang tinatarget nila yung mga magta-travel. Ang tawag sa mga ito, ito yung mga ‘shadow travel agencies’. Ang ginagawa nito nangloloko to ng mga tao para makakuha ng pera. So nagpapadala to ng mga phishing emails, nagpapadala to ng mga information kunyari na meron silang mga promo. Pero ang katotohanan nito, wala silang ipapadala sayo,” ayon kay Art Samaniego, Tech Editor, Manila Bulletin.
At dahil mahaba-haba ang pahinga ngayong Lenten break, double time ani Samaniego ang mga kawatan ngayon sa panloloko.
Kaya, dapat mag-ingat aniya ang publiko.
“This Holy Week, meron daw 2 million travelers sa domestic sabi yan ng CAAP. At alam to ng mga scammers, alam to ng mga sindikato. At ito ang ita-target nila. Isa halimbawa dito, marami yung mga nabibiktima halimbawa yung mga fake na promo. Halimbawa magpo-promote sila ng hotel kung saan bibigyan ka nilang napakamurang accommodation. Pero kung nagbayad kana bigla na lang silang mawawala. So, dapat mag-ingat po tayo sa mga offer na natatanggap natin lalo na sa social media,” ani Samaniego.
Ayon naman sa PNP Anti-Cybercrime Group, i-presenta lamang ang mga sumusunod na para makapaghain ng reklamo laban sa mga online kawatan.
“Yes, screenshots of the conversations they had nagkaroon sila ng transaction. Second is yung proof. Screenshot din na nagtransfer ka ng money. So pag meron na yung mga ganon, pupunta sila sa amin,” wika ni PLt. Michelle Sabino, Spokesperson, PNP Anti-Cybercrime Group.
Pagkatapos, ay susundan ng PNP-ACG ang money trail para makuha ang pakakakilanlan ng mga suspek.
“Ang mga scammer, ang bilis mag-adopt. So papalitan lang nila yung modus nila. Kung Holy Week, travel. Kung Christmas, gift promo naman ang ginagawa nila. So, ingatan natin dapat ang mga scammer na’to. Lalong-lalo na ang mga e-wallet natin. GCash, maya at iba pang e-wallets natin. Huwag magbibigay ng one time pin. Huwag na huwag ishi-share sa iba dahil pag na-share mo pwedeng nakawin yung account mo,” dagdag ni Samaniego.
“Yung mga scammers, babala sa inyo! Tandaan niyo yung simpleng kaso kakarapin niyo akala niyo ganito lang but pag pumasok samin we come into the picture it’s always 1 degree higher. So, kung halimbawa less than 6 years ka or 6 years lang pag pumasok siya in-relation to section 6 of RA 10175 magiging 6 years and 1 day to 12 years. So roughly laging 6-12 years kami, walang mababano,” dagdag ni Sabino.
“Sa mga scammers, tandaan niyo. We are watching you,” aniya pa.
Para sa mga sumbong at reklamo, maaaring magpadala ng mensahe at mag-comment sa lahat ng social media accounts ng PNP-ACG.