Puntod ng ilang kilalang personalidad sa Loyola Memorial Park, dinalaw ng mga tagahanga

Puntod ng ilang kilalang personalidad sa Loyola Memorial Park, dinalaw ng mga tagahanga

MATAPOS bisitahin ang yumaong mahal sa buhay sa Loyola Memorial Park sa Marikina, hindi pinalagpas ng pamilya Sanchez ang pagkakataon na mabisita ang puntod ni dating Sen. Miriam Defensor-Santiago.

Ayon pa kay Analisa Sanchez, talagang bilib sila kay Santiago noong nabubuhay pa ito at nagsisilbi bilang isang lingkod-bayan.

“Talagang dinadaan namin siya dito. Tinitingnan namin,” ayon kay Analisa Sanchez, tagahanga ni Sen. Miriam Defensor-Santiago.

“Respect lang po sa kaniya,” aniya.

Dinalaw at nagpa-picture naman si Vangie sa puntod ng kaniyang idol.

Walang iba kundi si Francis Magalona.

“Sa kaniya, kay Francis. Tuwing pumupunta kami dito talagang dumadaan kami diyan,” ayon naman kay Evelyn Sanchez, tagahanga ni Francis Magalona.

“Kasi nandito na rin lang kami, eh di pupuntahan namin kung ano ‘yung alam namin kung sino nandito na kilala namin, pinupuntahan namin,” ayon pa kay Evelyn.

Sa Loyola Memorial Park din nakalibing ang ilan pang kilalang personalidad gaya nila Nida Blanca, German Moreno, at batikang news anchor na si Mike Enriquez.

Bagama’t hindi pinagbabawalan ang mga tagahanga na bisitihan ang puntod ng mga artista at politiko, may paalala ang pamunuan ng Loyola.

“Utmost respect pa rin. With regards sa restriction wala naman. Pwede naman silang lumapit. Mag pay ng respect doon. Pero of course with utmost respect pa rin doon sa nakalibing at sa family na rin,” pahayag ni Gabriel dela Paz, Manager, Loyola Memorial Park.

Loyola Memorial Park, hindi pa dinadagsa; Bilang ng tao, nahati dahil sa long weekend

Samantala, mas pinili ng ilan na dalawin na ang kanilang mga mahal sa buhay nitong Oktubre 31 kaysa makipagsiksikan sa mga susunod na araw.

Kasi ngayon Oktubre 31, mas kaunti ‘yung tao at hindi pa masyadong traffic.

Anila, bonding time na lang din ang mga natitirang araw sa long weekend.

“Gala-gala na lang para bonding rin ng family,” wika ni Ma. Fe Caporas.

Sabi ng Loyola, inaasahan nila ang nasa 120,000 – 130,000 ang dami ng mga pupunta sa sementeryo.

Pero sa kabila ng dami mas luluwag umano ang sementeryo dahil mahahati ang bilang dulot ng napakahabang weekend.

Ibig sabihin maraming araw ang puwedeng pagpilian ng mga nais bisitahin ang kanilang mga mahal sa buhay.

“Compare to previous years, October 31 ngayon, kumonti. Maybe because noong Sunday 28 at tsaka yesterday ang dami nang nagpunta. Medyo ang naging turn-out kagabi ng mga crowd, masyadong marami na,” pahayag pa ni Dela Paz.

Paalala naman ng Loyola sa publiko, kung maaari ay magsuot pa rin ng face mask.

Publiko, pinayuhan ng Loyola Memorial Park na huwag nang magdala ng mga bata

Pinayuhan din ng pamunuan ng nasabing sementeryo ang mga dadalaw na huwag nang dalhin ang mga bata lalo na ang maliliit para maiwasan ang mga sakit at pinsalang dulot ng siksikan.

“Yung mga dadalaw pa, magbabalak magdalaw, we suggest na siguro iiwan na lang nila ‘yung mga bata kung mayroon namang magbabantay. Huwag na nilang isama. Dahil tulad ngayon unexpected ‘yung weather. Ngayon umaaraw tapos maya-maya biglang umuulan,” ani Dela Paz.

Follow SMNI NEWS on Twitter