NANAWAGAN si Senate Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino sa 107,000 mga laang-kawal (reservists) mula sa iba’t ibang sangay ng sandatahang lakas na aktibong lumahok sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa sa harap ng lumalalang sigalot at hamon sa West Philippine Sea (WPS).
Sa kaniyang talumpati sa pagdiriwang ng 45th Reservist Week sa Camp Aguinaldo, binigyang-diin ni Tolentino ang kahalagahan ng isang malakas at nakahandang ‘reserve force’ sa gitna ng sentral na papel ng Pilipinas sa masalimuot na sitwasyong pang-seguridad sa Indo-Pasipiko.
Isang aktibong miyembro ng puwersang laang-kawal ng sandatahang lakas, may ranggong Brigadier General si Tolentino. Pinuri nya ang kaniyang mga kapwa reservists sa kanilang papel bilang mga propesyunal sa iba’t ibang larangan, at bilang mga tagapagtanggol at humanitarian responders.
“Sinisimbulo at kinakatawan ng ating mga laang-kawal ang diwang makabayan ng bawat Pilipino,” diin nya.
Ipinapakita rin nito na handa ang mga mamamayang Pilipino na rumesponde sa panahon ng krisis.
“Sa gitna ng masalimuot na sitwasyon sa ating rehiyon, dapat lang na patuloy nating palakasin ang ating kakayahan, gayundin ang pagsasanay at paggabay sa ating mga laang-kawal,” aniya.
Bilang isang reservist, iniakda ng senador ang dalawang importanteng panukala — ang Maritime Zones Law at Archipelagic Sea Lanes Law — bilang ambag para lalong mapagtibay ng Pilipinas ang pag-aari at karapatan nito sa sariling teritoryo at mga karagatang nakapalibot dito sang-ayon sa international law.
“Ang dalawang panukalang ito ay may pangmatagalang epekto sa ating soberanya,” punto nya.
Nararapat umanong maghanda ang mga laang-kawal para sa tradisyunal at makabagong mga banta sa ating seguridad, kabilang ang cyberattacks, terrorism, at human trafficking.
Kinilala niya na malaki ang magiging ambag ng mga kasanayan ng laang-kawal sa medisina, batas, teknolohiya, at engineering para pagyamanin ang kakayahan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ayon sa tinatawag nyang ‘modern defense concept.’
“Sa ilalim ng konseptong ito, ang pagtatanggol sa bansa ay hindi lamang tungkol sa armas at istratehiya, kundi sa paghimok sa kolektibong kamalayan ng mga mamayan para tumindig at ipaglaban ang ating kalayaan at kasarinlan,” pagtatapos niya.