PINAPA-resign ng mga retired military at police officer si House Speaker Martin Romualdez dahil sa umano’y korapsiyon sa ilalim ng kaniyang pamamahala.
Sa isang open letter na ipinakalat noong Nobyembre 1, inakusahan ni dating National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Chief Maj. General Alex Paul Monteagudo kasabay ang retirees ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na itinataguyod ni Romualdez ang ‘unsustainable’ na mga national budget na nagreresulta na nga sa korapsiyon.
Ipinunto pa na umabot na ng P15.589T ang utang ng bansa hanggang noong Agosto 2024.
Sinuportahan pa ni Romualdez ang P6.352T na budget para sa 2025 na kung tutuusin anila ay lagpas ito sa projected national revenue na P4.64T.
Ibig sabihin, may P1.712T pa na deficit ang bansa.
Maliban pa rito, sinabi rin ng AFP at PNP retirees na ginagamit ni Romualdez ang P26.7B na pondo mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa isang pekeng ‘People’s Initiative’ tungo sa pagkakaroon ng constitutional amendments.