NANAWAGAN ang isang opisyal ng Malakanyang sa publiko na ibigay na lamang ang kanilang panggastos sa paputok sa mga biktima ng Bagyong Odette na nangangailangan ng tulong.
Itoy matapos maitala ng Department of Health (DOH) ang 25 kaso ng mga nasugatan dahil sa paputok bago pa man ang Bagong Taon.
Ayon kay acting Presidential Spokesperson, Cabinet Secretary Karlo Nograles, sa halip na ibili ng mga paputok ay ibigay na lamang ito sa mga kababayan na nangangailangan.
“Tama po iyon, imbes na igastos natin sa paputok, sa firecrackers na bawal po, ibigay na lang po natin sa mga kababayan natin na nangangailangan. Those na tinamaan, lubos na naapektuhan ng Typhoon Odette, doon na lang po natin ibigay ang tulong natin,” pahayag ni Nograles.
Ani Nograles, ang mga paputok ay para lamang sa community fireworks displays upang maibsan ang panganib ng pinsala o pagkasawi na ayon sa executive order na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017.
Dagdag pa ni Nograles, ang community fireworks ay dapat isagawa sa ilalim ng pangangasiwa ng isang otorisadong indibidwal.
“Dapat wala nga po tayong fireworks-related injuries na makikita dahil nga po community fireworks lang po ang pwede,” ani Nograles.
Pinaalalahanan din ni Nograles ang publiko sa guidelines ng DOH sa pagbabawal sa paggamit ng torotot at iba pang bagay na hinihipan ng bibig upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19.
“Hindi pupwede iyong torotot, hindi pupwede iyong anything na wind instruments na lumalabas sa ating bibig iwasan din po natin iyan, so let’s just use percussion. You know, pans, tambourines, bells or iyong light emiting devices. Ito po ay nasa DOH reminders sa public,” payo ni Nograles.
Aniya, inilabas ang nasabing panuntunan para na rin sa ikabubuti ng publiko.
“Iyong mga guidelines na ito mga kababayan, hindi naman natin ginagawa ito dahil wala lang. Hindi po ganoon. They all serve a purpose, and we cannot serve its purpose if the people do not comply. So, let’s just all comply with the guidelines,” aniya pa.