Sen. Go, isinulong ang pag-amyenda ng National Building Code

Sen. Go, isinulong ang pag-amyenda ng National Building Code

BILANG paghahanda sa epekto ng natural na kalamidad sa ekonomiya ng bansa ay muling inihain ni Senador  Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 1181 o mas kilala bilang Philippine Building Act of 2022.

Ang panukalang batas ay may layuning protektahan ang buhay ng mga tao at mabawasan ang epekto ng mga kalamidad sa pamamagitan ng pagtatakda ng mga pamantayan sa istruktura at integridad sa disenyo ng mga gusali.

Nakasaad sa panukala na dapat magkaroon ng mas epektibong regulasyon sa pagpaplano, disenyo, pagtatayo, occupancy, at maintenance ng lahat ng pampubliko at pribadong gusali at anumang istruktura upang ito ay masigurong ligtas laban sa anumang uri ng kalamidad.

“’Building back better’ requires that in the reconstruction of damaged structures, due consideration shall be given to the possibility of the disaster repeating itself. Ire-require din natin na ma-integrate ang disaster resilience measures sa paggawa ng rules and regulations, at sa reference standards para sa pagplano, pag-design, at pag-reconstruct ng mga bagong buildings and structures na itatayo,” paliwanag ni Go.

Pinaamyendahan din ng panukala ang National Building Code upang matiyak na ang lahat ng mga gusali at istruktura ay itinayo ayon sa prinsipyo ng “Building Back Better.”

Muli ring isinumite ng senador ang panukalang batas na nag-uutos sa pagtatayo ng evacuation center sa bawat lungsod, lalawigan, at munisipalidad sa buong bansa.

Ang SBN 193 ay naglalayon na matiyak na ang mga pamilyang naapektuhan ng sakuna ay maaaring sumilong sa mga evacuation center na ligtas, nakatuon at may mga pangunahing pangangailangan.

“More or less 20 typhoons ang pumapasok sa ating bansa bawat taon. Kaya naman napaka importante po ng disaster resiliency, especially since our geographic location makes us vulnerable to other disasters, such as earthquakes, landslides, storm surges and more,” ayon sa senador.

Alinsunod sa National Building Code of the Philippines, ang mga evacuation center na itatayo ay dapat kayang tapatan ang lakas ng isang super typhoon o bilis ng hangin na hindi bababa sa 300 kilometro bawat oras at paglindol na hindi bababa sa 8.0 magnitude ang lakas.

Follow SMNI NEWS in Twitter