Sen. Robin, nilinaw ang pagpapakita ng koleksiyon ng baril

Sen. Robin, nilinaw ang pagpapakita ng koleksiyon ng baril

NILINAW ang pagpapakita ng koleksiyon ng baril ni Senator Robinhood ‘Robin’ Padilla.

Binigyang linaw ni Sen. Robin ang kaniyang pagkakaroon ng iba’t ibang klase ng baril matapos mag-viral sa social media.

Nag-viral ang senador matapos niyang ipinakita online ang kaniyang tinatawag na “The Bad Boy” vault na naglaman ng kaniyang koleksiyon ng baril.

Kinuwestiyon ng isang legal expert ang pagmamay-ari ng senador ng baril dahil isa siyang ex-convict.

“Legal expert yan? Legal expert nagsabi niyan wala sa absolute (pardon)? Reaction ko? Siguro palagay ko kailangan niyang bumalik sa law (school). Kailangan uli mag-aral ng pagiging lawyer. Pagka-absolute pardon ibinabalik na po ang iyong civil rights, binubura na lahat ang iyong record. Ikaw ay bagong tao. Ikaw ay pinayagang kumandidato. At ako rin senador ngayon ibig sabihin binalik sa akin ang aking civil rights kasama ang right to bear arms,” ayon kay Sen. Robinhood Padilla.

Si Padilla ay nakulong ng tatlong taon dahil sa pagdadala ng baril ng walang lisensiya ngunit nabigyan ng absolute pardon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Bukod dito ay ipinunto rin ni Padilla na may karapatan siyang humawak ng baril dahil sa kaniyang pagiging army reservist kung saan may ranggo siyang kapitan.

Giit din niya na walang masama sa kaniyang pagpapakita ng baril kahit isa siyang public figure basta ito lamang ay ginagawa sa tamang lugar.

 “Di naman kami masasamang tao. Kami po ay responsableng gun holders. Nasa loob ako ng gun store, nandito ako sa loob ng gun store, wala po ako sa pampublikong lugar. Pinapayagan ng batas ‘yan pag sa firing range ka puwede mo ilabas baril mo. Pag sa gun store ka puwede mo ilabas,” dagdag ni Sen. Padilla.

Sen. Robin, pinangunahan ang krusada para sa responsableng pagmamay-ari ng mga baril

Kaugnay nito, araw ng Biyernes ay nasa Bonifacio Global City (BGC) si Padilla upang hikayatin ang mga gun owners na gawing legal ang kanilang paghawak ng baril.

Ito’y bilang suporta sa kampanya ng Philippine National Police (PNP) na naghihikayat sa mga gun owner na i-renew ang kanilang mga expired na lisensiya o Licence to Own and Possess Firearms (LTOPF).

Sa kasalukuyan, ang mga gun enthusiast ay maaaring magtungo sa mga one-stop-shop tulad ng nasa BGC para sa mabilis na pag proseso ng kanilang LTOPF.

Sa regular na proseso ay kailangan pang pumunta sa Kampo Krame ng PNP para sa pagrehistro o pagrenew ng LTOPF.

“Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa inyo. Kasi sinusuportahan natin ang kampanya ng PNP na hikayatin natin ang mga kababayan natin na may baril na expired ang LTOPF, nagdaan tayo sa pandemic, maraming dahilan. Kaya hinihikayat natin ang gun owners maging responsible lang tayo. Huwag tayo makalimot na mag-renew ng LTOPF. Ang mga mahilig sa baril at gustong magkabaril kumuha kayo ng LTOPF. Di ito mahirap. Napakadali po. Basta kumpleto kayo sa inyong requirements napakadali po. Tingnan niyo ang puwersa ng PNP,” ani Padilla.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter