Customs officer na dawit sa smuggling, nais parusahan ng bitay ni Sen. Robin Padilla

Customs officer na dawit sa smuggling, nais parusahan ng bitay ni Sen. Robin Padilla

MISTULANG sumabog sa galit si Senator Robinhood ‘Robin’ Padilla sa mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na pinaghihinalaang kasabwat ng mga smugglers.

“Magbibigay ako ng panukalang batas na kayo diyan sa BOC na kapag kayo napatunayang involved sa smuggling, dapat kamatayan din kayo,” ayon kay Sen. Robin Padilla.

Sa patuloy na pagdinig ng Senado sa talamak na agricultural smuggling sa bansa, araw ng Huwebes, inihayag ni Sen. Padilla na nais niyang isabatas ang parusang kamatayan para sa sinumang opisyal ng BOC na mapatutunayang nakikipagsabwatan sa smugglers.

Ikinalulungkot ng senador ang nangyayari na mismong ang mga tagapagtupad ng batas ang kasabwat ng mga salarin.

“Law enforcement kayo. Pinamumugaran tayo ng smuggling. Sa tingin niyo ba masaya ako na life imprisonment lang kayo? Magbibigay ako ng panukalang batas na kayo diyan sa BOC na kapag kayo napatunayang involved sa smuggling, dapat kamatayan din kayo,” dagdag ni Padilla.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture na pinangungunahan ni Sen. Cynthia Villar, ipinunto ni Padilla sa mga opisyal ng BOC na pinapatay ng smuggling ang kabuhayan ng mga magsasaka.

Nakakahiya rin ayon sa senador na kailangan pang mag-angkat ng Pilipinas na isa namang agricultural country.

“Kaya po sana ang hiling ko po sa ating committee ng agrikultura, dito po sa panahon namin, kung hindi man namin kayang talusin itong smuggling sana po mabawasan, dahil ang tinitingnan po natin dito ay ang mga magsasaka nating kababayan,” ani Padilla.

Sa Pilipinas, bahagi ng staple food ng mga Pilipino ang bigas ngunit nakapagtataka kung bakit nananatiling mahirap ang mga maituturing na nasa frontline ng sektor ng agrikultura na mga magsasaka.

Ang kanilang kalagayan ay inuugnay ni Padilla sa usapang pangkapayapaan sa bansa.  Kinuwestiyon ng senador kung paano matapos ang problema sa mga rebelde kung patuloy na pinahihirapan ang mga magsasaka.

Dismayado ang Senado kung bakit hanggang ngayon ay wala pang napaparusahan sa Anti-Agricultural Smuggling Law na naipasa noong 2016.

 “It is frustrating …. Walang nakukulong,” ayon kay Sen. JV Ejercito.

Ayon sa grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), sa taong 2022, aabot sa P30-B ang lugi ng mga magsasaka dahil sa mga smuggled agricultural products.

Kabilang dito ang bigas, sibuyas, at karne ng manok at baboy.

Sa parehong taon ay sangkatutak din na smuggled goods ang nakumpiska mula sa iba’t ibang warehouse pero walang nakulong.

Ayon kay So, masyadong malawak ang involvement ng Customs sa pagpasok ng mga goods sa bansa hanggang sa ginagawang imbestigasyon ng Department of Justice (DOJ).

“Kasi ‘yung threshold alam naman natin ‘yung amount eh … Dokumento kulang kulang ang ibinibigay,” ayon kay Engr. Rosendo So, Chairman SINAG.

Sa parehong pagdinig ay sinabi ni BOC Assistant Commissioner Vincent Maronilla karamihan sa mga smuggling ay nag-uumpisa sa kanilang mismong port.

“Kung meron man po dito sa amin ay mag-uumpisa po talaga yan sa mga puwerto namin. Dun kasi pinoproseso ang mga shipments,” ayon kay Vincent Maronilla, Asst. Commissioner BOC.

Sa kaniyang isinumiteng panukalang batas, pinapaparusahan na rin ni Padilla ng kamatayan ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agency na dawit sa smuggling.