Sinopharm, wala pang pinal na desisyon kung papasok sa Pilipinas

DEDESISYUNAN pa lang ng Chinese pharmaceutical firm na Sinopharm kung itutuloy nila o hindi ang clinical trials ng kanilang COVID-19 vaccine sa Pilipinas.

Ito ang inihayag ni Assistant Secretary Leah Buendia ng Department of Science and Technology (DOST) na aniya, wala pang datos na natanggap ang DOST mula sa Sinopharm kaugnay dito.

“Sa ngayon po ay wala pa silang final decision kung sila ba ay magcoconduct ng clinical trial or sila ay mag-a-apply lang ng EUA or emergency (use) authorization…..as of the moment,” ayon kay Buendia.

“Iyong decision whether itutuloy nila ang clinical trial o hindi ay nandoon iyon sa kompanyang gumagawa ng bakuna, pero pwede silang dumiretso sa FDA either for an EUA or approval of their product to be marketed,” pahayag naman ni Sec. Fortunato dela Peña.

Samantala, ang Russian-based na Gamaleya Research Institute, ay nag-withdraw ng kanilang aplikasyon para sa clinical trial sa Pilipinas.

Bagkus, magpapasa na lamang ang Gamaleya ng aplikasyon para sa Emergency Use Authorization (EUA) ng kanilang COVID-19 vaccine sa bansa.

Sambit ni Guevera, posibleng ngayong araw o bukas magpasa ang Russian-institute ng kanilang aplikasyon para sa EUA.

Noong Disyembre, binawi ng UK-based drug maker na AstraZeneca ang aplikasyon nito na magsagawa ng clinical trials sa Pilipinas.

Ngayong Enero naman nang magpasa rin sila ng aplikasyon para sa Emergency use.

“Yung AstraZeneca at Gamaleya pareho nang nag-withdraw ng kanilang application for clinical trial…..December 10 ..This week lang yung Gamaleya. Napakasimple ng rason nila…. kaya hindi na sila magki clinical trial dito,” ani Guevera

Mababatid na may Emergency Use Authorization na ang Gamaleya mula Russia, Argentina at Belarus.

Ang AstraZeneca naman, nagawaran na rin ng EUA sa United Kingdom, Mexico, Argentina, at India.

Sa Enero14, inaasahang maglalabas ng desisyon ang Food and Drug Administration o FDA para sa EUA application ng Pfizer-BioNTech na nagpasa ng aplikasyon noong Disyembre 23.

Ang Pfizer ay una nang nabigyan ng emergency use sa UK, Amerika, Kuwait, Mexico, Singapore, at Canada.

Inilahad ng DOST na mahalaga na maraming kausap na vaccine developer ang Pilipinas. Ito kasi anila ang magbibigay ng pagkakataon sa gobyerno makapili ng talagang epektibo at ligtas na COVID-19 vaccine.

SMNI NEWS