Naging sentro ng talakayan ng ASEAN ang sitwasyon sa Strait of Hormuz sa gitna ng lumalalang krisis sa Middle East na posibleng magdulot ng pagkagambala sa supply chain at pagtaas ng presyo ng enerhiya at pagkain.
Pinangunahan ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro ang ikalawang Special ASEAN Foreign Ministers’ Meeting bilang Chair ng ASEAN Foreign Ministers’ Meeting.
Ito ay kasunod ng naunang pulong noong Marso kaugnay ng patuloy na tensyon sa Middle East.
Kabilang sa tinalakay ang kamakailang ceasefire sa pagitan ng United States at Iran, pati na ang kondisyonal na pagbubukas ng Strait of Hormuz—isang kritikal na ruta ng pandaigdigang suplay ng langis.
Binigyang-diin ng mga foreign ministers ang pangangailangan ng pagpigil sa tensyon at pagbabalik sa diplomasya upang matiyak ang pangmatagalang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Tinutukan din ang epekto ng krisis sa energy at food security, kung saan nagkasundo ang ASEAN na palakasin ang koordinasyon, information-sharing, at crisis response mechanisms.
Bahagi rin ng paghahanda ang nalalapit na ika-48 ASEAN Summit sa Cebu sa Mayo 2026, kung saan pagtutuunan ang mga isyung may kinalaman sa supply chain resilience at seguridad ng rehiyon.
Samantala, patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon sa middle east habang pinaiigting ang mga hakbang para sa kaligtasan at pag-uwi ng mga Pilipino sa rehiyon.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, nananatiling naka-alerto ang mga Philippine Foreign Service Posts sa gitna ng patuloy na developments sa Middle East.
Sa United Arab Emirates, iniulat na walang na-detect na missile o aerial threats sa nakalipas na 24 oras noong Abril 9.
Gayunman, nananatiling limitado ang galaw sa Strait of Hormuz kung saan nasa 230 barko ang naantalang makabiyahe, ayon sa Abu Dhabi National Oil Company.
Bumaba rin ng 1.5 percent ang main stock index ng Dubai kasunod ng mga pangyayari sa rehiyon.
Samantala, kasunod ng ceasefire announcement, bumaba ang bilang ng repatriation requests mula sa mga non-OFWs.
Sa tala ng Philippine Consulate General sa Dubai, nasa 350 non-OFWs na ang napauwi habang patuloy ang full consular operations.
Tiniyak ng DFA na patuloy nitong uunahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino habang nananatiling pabagu-bago ang sitwasyon sa Middle East.
