Philippine Army, nagbabala sa mga Pilipino abroad laban sa recruitment ng makakaliwang grupo

Philippine Army, nagbabala sa mga Pilipino abroad laban sa recruitment ng makakaliwang grupo

Nagpahayag ng pagkabahala ang 2nd Infantry Division ng Philippine Army kaugnay sa posibleng papel ng mga overseas activist sa pagrerekrut ng mga kabataang Pilipino sa ibang bansa upang umanib sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Ang pahayag ng 2ID ay kasunod ng ulat na isang Filipino-American activist na kinilalang si Cristina Pasion ang pinaniniwalaang nananatili at kasama ng mga armadong grupo na nagtatago sa kabundukang bahagi ng Occidental Mindoro.

Ayon sa militar, kasama umano si Pasion sa serye ng mga engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at miyembro ng NPA nitong mga nakaraang araw.

Sa isang pahayag, sinabi ni Col. Michael Aquino, tagapagsalita ng 2nd Infantry Division, na ang naturang insidente ay patunay umano na nagpapatuloy ang recruitment ng komunistang teroristang grupo sa labas ng bansa.

Kasabay nito, nanawagan si Aquino sa mga Pilipino abroad na manatiling alerto at mapagmatyag laban sa mga recruitment activities ng komunistang grupo na maaaring maglagay sa mga kabataan sa kapahamakan.

“We encourage families and Filipino communities abroad to stay informed and to help ensure that young people are not misled into joining armed groups operating in the Philippines,” ayon kay Col. Michael Aquino, Spokesperson, 2nd Infantry Division, PA

Kung matatandaan, si Pasion ay napaulat na miyembro ng Migrante International, isang global alliance ng migrant organizations na nagsusulong umano ng kapakanan ng mga Pilipino abroad.

Iniuugnay rin si Pasion kay Chantal Anicoche, isang 24-anyos na Filipino-American na na-rescue ng tropa ng pamahalaan ilang araw matapos ang engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at mga miyembro ng NPA sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro noong Enero 1, 2026.

Patuloy naman ang panawagan ng militar sa publiko, lalo na sa mga pamilyang Pilipino sa ibayong-dagat, na maging mapanuri at mapagmatyag upang hindi umano malinlang ang mga kabataan na mapabilang sa armadong kilusan.

Follow SMNI NEWS on Twitter