“UNITY”, tugon ng bagong AFP chief sa hamon sa internal at external security ng Pilipinas

“UNITY”, tugon ng bagong AFP chief sa hamon sa internal at external security ng Pilipinas

INIHAYAG ni General Romeo Brawner ang kaniyang 5 focused area na may acronym na “UNITY” na kaniyang isusulong bilang bagong mamumuno sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Isinagawa araw ng Biyernes ang change of command ng AFP na pinangunahan ng Commander in Chief Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Kampo Emilio Aguinaldo sa Quezon City.

Pormal nang pinalitan ni General Romeo Brawner bilang AFP Chief of Staff si Gen. Andres Centino na itinalaga kamakailan ni Pangulong Marcos bilang Presidential Adviser on the West Philippines Sea.

Sa kaniyang talumpati, inihayag ni General Brawner ang kaniyang 5 focused area na may acronym na “UNITY” na kaniyang isusulong bilang bagong mamumuno sa Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.

5 focused areas ng bagong liderato ng AFP

-Unity

-Normalization

-Internal security operation

-Territorial defense

-Youth

Ang nabanggit na 5 focused areas ng AFP ay naglalayong masulosyunan ang mga pangunahing problema ng bansa sa internal at external security ng Pilipinas.

Ipinangako naman ng opisyal na sa administrasyon ni Pangulong Marcos ay magiging matagumpay ang pagkamit ng kapayapaan at pagprotekta sa teritoryo ng bansa.

“Our mission is to ensure that this administration is successful in governing our nation in securing our peace and in protecting our territory at all costs,” saad ni Gen Romeo S. Brawner, Chief of staff, AFP.

PBBM sa bagong AFP chief: Recalibrate our internal security operations

Samantala pinasalamatan naman ni retired Gen Andres Centino si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa ibinigay nito na pagkakataon na magsilbi sa bayan.

“My appreciation and gratitude to His Excellency President Marcos Jr. our commander in chief for the trust in my ability to contribute to his vision of a peaceful and progressive Philippines and for giving me chance to lead the March of our troops as well as to serve the Filipino people in a different capacity,” ayon kay General Andres Centino, Former AFP Chief of Staff.

Sa kaniya namang talumpati ay ipinag-utos ng commander in chief na i-recalibrate ang internal security operations sa bansa.

“Given your extensive experience in safeguarding peace in conflict-affected areas, I urge you to recalibrate our internal security operations so that we can deliver public services in geographically isolated and disadvantaged communities,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Kinilala naman ni Pangulong Marcos ang mga nagawa ni Gen. Centino sa kaniyang ilang taon sa serbisyo at sinabing hindi nito sasayangin ang kakayahan at mga karanasan ni Gen. Centino sa pagbibigay ng serbisyo para sa bayan.

Sa huli sinabi ni General Brawner sa Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na manatiling buo ang dedikasyon para sa bayan.

Si General Brawner ang ika-60 chief of staff ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble