Uri ng bigas na makatutulong mapigilan ang tumataas na kaso ng diabetes, iprinisenta kay PBBM

Uri ng bigas na makatutulong mapigilan ang tumataas na kaso ng diabetes, iprinisenta kay PBBM

IPRINISENTA kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang bigas na makatutulong mapigilan ang tumataas na kaso ng diabetes sa bansa sa International Rice Congress na ginanap sa Pasay City.

Batay sa International Diabetes Federation, mayroong 537 milyong katao ang may diabetes noong 2021 at ito ay inaasahang tataas ng 47% pagsapit ng 2047.

Maraming cultivated rice varieties ang may glycemic index (GI) mula 70 hanggang 92, na hindi itinuturing na malusog para sa mga taong may diabetes.

Ang GI ay sinusukat kung paano nakaaapekto ang mga pagkaing naglalaman ng ‘carbohydrates’ sa pagtaas o pagbaba ng blood sugar o ‘glucose’ sa katawan.

Ang pagkonsumo ng mga pagkaing matataas sa GI ay maaaring makapagdulot ng sakit na ‘diabetes.’

Sa pagsisikap na makatulong na pigilan ang tumataas na mga kaso ng diabetes sa buong mundo, tinukoy ng mga siyentipiko mula sa International Rice Research Institute (IRRI), isang CGIAR Research Center, ang genes na responsable para sa low at ultra-low glycemic index sa bigas.

Ang unang batch ng ultra-low GI rice samples ay pormal na iprinisenta kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa opening ceremony ng 6th International Rice Congress nitong ika-16 ng Oktubre.

Inilatag ng mga siyentipiko ng IRRI kay Pangulong Marcos ang dalawang varieties ng bigas na may mababang glycemic index (GI), na binuo para makatulong na mapababa ang mga kaso ng diabetes sa buong mundo.

Kabilang sa dalawang natukoy na may mababang GI Philippine varieties ay tinatawag na IRRI 147 at IRRI 125.

Sa kaniyang talumpati, nagpasalamat si Pangulong Marcos sa pagsasagawa ng 6th International Rice Congress sa bansa.

Inaasahan din aniya ang malaking market potential ng dalawang bagong klase ng bigas.

“Thank you for conducting the 6th International Rice Congress, which I am sure will promote the development and use of more quality rice varieties and technologies such as the ultra-low glycemic index or GI rice,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Kaya naman, ani Pangulong Marcos, posible na maipakalat pa ito sa mga palengke sa loob ng dalawang taon sa pakikipagtulungan ng IRRI at PhilRice.

Ipinahayag ni Pangulong Marcos ang kaniyang pag-aabang sa paggamit ng ultra-low glycemic index o GI rice.

“The discoveries in this Congress will pave the way for greater strides in the rice industry in the Philippines and across the globe. I look forward to seeing the innovations to be discussed in this Congress come to life, including the ultra-low GI rice, in the near future,” ayon pa sa Pangulo.

Ipinabatid ni Pangulong Marcos na ang mga inobasyon sa rice-based foods systems ay magiging kapaki-pakinabang sa pagpapabuti ng industriya ng bigas sa bansa at sa buong mundo.

Siniguro naman ng pamahalaan ang tulong nito sa IRRI para matiyak ang suplay ng bigas, pagbahagi ng teknolohiya, at paghahanda sa mga kalamidad.

“Rice in Asia, rice in the countries where it is the staple is in fact life. And whenever we find ourselves in a situation where the supply of rice is threatened, this is almost an existential problem that ordinary people feel,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Nitong Lunes, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang 6th International Rice Congress (IRC) 2023 na may temang, ‘Accelerating Transformation of Rice-Based Food Systems: From Gene to Globe’, sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.

Ang IRC ngayong taon ay isang 3-day event sa pangunguna ng International Rice Research Institute (IRRI), na nagbibigay ng siyentipikong plataporma para sa mga innovator sa rice-based food systems.

Ang IRC ay nagaganap sa unang pagkakataon sa Pilipinas, na nagsisilbing home country ng IRRI Headquarters na matatagpuan sa Los Baños Laguna.

Ang mga nakaraang edisyon ng naturang Kongreso ay ginanap sa Singapore (2018), Bangkok (2014), Hanoi (2010), New Delhi (2006), at Beijing (2002).

 

Follow SMNI NEWS on Twitter