Marjorette Garcia, itinuring na bayani dahil sa pagiging ulirang manggagawa sa Saudi

Marjorette Garcia, itinuring na bayani dahil sa pagiging ulirang manggagawa sa Saudi

DUMATING ang labi ni Marjorette Garcia, isang OFW na pinatay sa Saudi Arabia sa kaniyang tahanan sa San Jacinto, Pangasinan nitong Oktubre 14.

Sinalubong ang labi nito ng ‘‘Hero’s Welcome’’ sa pangunguna ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio, Department of Migrant Workers (DMW) OIC Hans Leo Cacdac, at mga lokal na opisyal ng gobyerno.

Ayon kay Ignacio, nararapat lamang na ituring bilang bayani si Marjorette dahil isa itong ulirang OFW sa Saudi Arabia dahil sa kalidad na serbisyong ibinigay nito.

“Ito pong si Marjorette Garcia, dedicated na OFW. Siya po ay nagtrabaho ng tuluy-tuloy, in fact nanghingi pa siya ng kunting extention para makapagtrabaho, paborito siya ng kaniyang amo and then nung nangyari ito, ang kaniyang agency kaagad nandiyan inasikaso, ang kaniyang foreign agency ganun din,’’ ayon kay OWWA Administrator, Arnell Ignacio.

Tiniyak naman ni Cacdac na makakamit ni Marjorette ang hustisya ngayong nasa kustodiya na ng Saudi authority ang suspek na isang Kenyan.

“Nandito kami ni Admin kasi gusto namin mangako kay nanay at kay tatay na gagawin namin ang lahat para makamit ang hustisya para kay Marjorette ‘yung abogado na hi-nire natin ay nakatutok sa kaso. Sabi ng prosecutor, merong sapat na ebidensya para magsampa ng kaso sa korte sa Saudi Arabia kaya’t hinihintay na lang natin ang unang hearing,” ayon kay Hans Leo Cacdac, OIC, DMW.

Una nang naiulat ang karumal-dumal na pagpaslang kay Marjorette sa Saudi Arabia sa umano’y pagkakaroon ng inggit ng kapwa niyang kasamang manggagawa na isang Kenyan national.

Tumanggap naman ng iba’t ibang benepisyo ang naiwang pamilya ni Marjorette kabilang ang livelihood assistance at scholarship grants na ipinagkaloob ng national government.

Kabilang din ang death at burial benefit mula sa OWWA-Ilocos na nagkakahalaga ng P220,000, at P50, 000 naman mula sa provincial government.

“Kaya P200,000 ang naibigay kay tito kasi accident hindi niya kagustuhan ang pagkamatay somebody…she was killed parang ganun. So, P220, 000 ‘yung two hundred ‘yun ang death benefit and burial assistance naman ay P20,000,” aniya Director Gerardo Rimorin, OWWA-Ilocos.

Maliban dito, ayon kay Ignacio ay tuluy-tuloy ang koordinasyon ng ahensiya sa pamilya ng nasawing OFW para sa karagdagan pang tulong sa anumang mga pangangailangan ng mga ito.

Bagama’t nagpapasalamat sa lahat ng tulong na ibinigay ng pamahalaang lokal at nasyunal ang ina ni Marjorette ay hindi naman ito kumbinsido sa imbestigasyon na isinagawa dahil ilang araw na ang lumipas bago ipinaalam sa kanila ang kinahinatnan  ng kaniyang anak.

“’Yung sa tulong ng gobyerno para sa manugang ko kontento ako doon. Ang hindi ako kontento ‘yung sa investigation kasi wala pa talagang ano eh. Dumating nga ‘yung death certificate nakalagay nga Setyembre 16 tinawag sa amin ni…Setyembre 27 eh malayo.  Itinago nila, hindi sinabi kaagad,” ayon kay Tita Gonzalez, ang ina ni Marjorette.

OWWA Admin Arnell Ignacio, nilinaw ang sitwasyon ng mga Pilipino sa bansang Israel

Samantala, nilinaw ni Ignacio ang sitwasyon ng mga Pilipino sa Israel na hindi lahat ng OFW doon ay nasa panganib ang kalagayan dahil iilang lugar lamang sa nasabing bansa ang apektado ng giyera.

“Hindi po buong Israel nagkakagulo kasi mahirap po ‘yan eh linawin natin kasi nakakapagdagdag lang ng unnecessary takot sa ating mga kababayan lalung-lalo na po sa mga kamag-anak ng OFWs. ‘Yun po kasing Tel Aviv, Jerusalem, sa west at doon sa north ay ayos ang buhay doon. Bandang south po ang meron tayong concern at hindi naman din kabuuan ng south. Saan ba talaga ang ating main concern, problema nasa Gaza po,” saad ni Ignacio.

Kahapon, ay inilagay ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Alert Level 4 ang sitwasyon sa Gaza na nangangahulugan ng mandatory evacuation ng mga Pilipino sa lugar.

Ayon sa DFA, sa 131 bilang ng mga Pilipino sa Gaza, 78 ang naka-sitwasyon sa Rafah border malapit sa ehepto habang ang natitira ay umalis na sa hilagang bahagi ng lugar.

Inaasahan naman ng DFA na pahintulutan nang makatawid ang foreign nationals kabilang na ang mga kababayan sa Rafah border patungong Egypt upang doon simulan ang repatriation ng mga ito pabalik sa Pilipinas.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter