Wala pang dahilan para bawiin ang EUA ng Pfizer vaccine —DOH

MANANATILI ang emergency use authorization (EUA) na inisyu ng Food and Drug Administration (FDA) sa Pfizer-BioNTech’s COVID-19 vaccine.

Ito ang naging tugon ng Department of Health (DOH) matapos ang ulat na 23 indibidwal sa Norway na may edad 75 hanggang 80 at may serious basic disorders ang nasawi makaraang tumanggap ng COVID-19 vaccine ng Pfizer.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mananatili ang EUA hanggang wala pang sapat na ebidensya na ang nasabing bakuna ang naging dahilan ng pagkamatay ng mga ito.

Una nang sinabi ng FDA na ang Pfizer-BioNTech’s vaccine ay 95 percent effective sa study population at 92 percent sa lahat ng races matapos ang evaluation.

Sa ngayon, ang Pfizer-bioNTech COVID-19 vaccine pa lamang ang nakakuha ng EUA mula sa Pilipinas habang nakabinbin naman ang EUA applications ng Sinovac, AstraZeneca at Gamaleya.

SMNI NEWS