Walang cease fire laban sa mga natitirang CTGs—PH Army

Walang cease fire laban sa mga natitirang CTGs—PH Army

MAHINA na ang communist terrorist groups (CTGs) na CPP-NPA-NDF. Ganito inilarawan ng Armed Forces of Philippines (AFP) ang kasalukuyang sitwasyon ng komunistang teroristang grupo matapos tanungin ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas kung ano ang kanilang ginagawang paghahanda sa nalalapit na anibersaryo ng nasabing salot na grupo.

Sa isang pulong balitaan sinabi ng tagapagsalita ng AFP na si Col. Francel Margareth Padilla, hindi sila magdedeklara ng ceasefire laban sa nasabing grupo kahit pa sa Kapaskuhan.

Paliwanag nito, matagal nang napatunayan na pumapatay ng inosenteng Pilipino ang teroristang grupong CPP-NPA-NDF at wala itong magandang naidulot sa ating bansa kundi takot at kaguluhan kaya wala nang saysay na magdeklara ng ceasefire para sa kanila.

“The CPP has shown that they are anti-government anti-development and anti-people so with this, Armed Forces of the Philippines will continue with our internal security operations, tuloy-tuloy tayo diyan,” pahayag ni Col. Francel Margareth Padilla, Spokesperson, AFP.

Sinabi pa ni Padilla na ngayon ay nag-iisang guerilla front na lang ang natitira sa bansa at ito pa ay mahina na ibig sabihin wala na itong kakayahan na maghasik ng kaguluhan pero tuloy-tuloy pa rin aniya ang kanilang gagawing pagbabantay.

“As I have said they are already weakened and being weakened po, hindi na sila capable of large operations but tuloy-tuloy po ang ating operations and well always been ready for any eventualities. Our commanders on the ground we trust that they really know the situations on the ground and they will prepare accordingly din,” dagdag ni Padilla.

Samantala, sa panig naman ng Philippine Army, sinabi ni Commanding LtGen. Roy Galido na hindi rin sila sang-ayon sa ceasefire.

“A government in position and always adhering to rule of law you don’t give ceasefire to lawless elements right? Because what we want in our country is stability and peace, if we don’t impose the law there will be chaos,” wika ni LtGen. Roy Galido, Commanding General, Philippine Army.

Sa huli sinabi ni LtGen. Galido sa mga rebeldeng grupo.

“Yes they may create this celebration but they are insignificant,” ani LtGen. Roy Galido, Commanding General, Philippine Army.

Kung matatandaan sunod-sunod ang naging katagumpayan ng pamahalaan laban sa mga rebeldeng grupo matapos na inilabas ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Executive Order No. 70 na bumuo sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ipinatupad ang National Peace Framework na nagresulta sa pagsuko at pagbalik loob sa pamahalaan ng libu-libong rebelde.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter