HINDI na palalawigin pa ng Korte Suprema ang palugit na ibinigay sa mga lider ng Quadruple Committee sa Kamara para magsumite ng komento kaugnay sa petisyong inihain laban sa pagpapa-cite in contempt sa resource speaker na si Ronelyn Baterna.
Iginiit ni Supreme Court spokesperson Camille Ting na sapat na kasi ang 10-araw na palugit na ibinigay ng mga mahistrado sa mga respondent para sagutin ang petisyon at hiling na Writ of Habeas Corpus na inihain o hiniling ni Rogelio Baterna, na ama ni Ronelyn.
Kabilang sa mga respondents sina Quad Committee co-chairperson Rep. Robert “Ace” Barbers, Committee on Public Order and Safety chairperson Rep. Dan Fernandez, Committee on Games and Amusement Chairperson Rep. Antonio Ferrer, Committee on Public Accounts Chairperson Rep. Joseph Stephen Paduano, Committee on Human Rights Chairperson Rep. Bienvenido Abante, Jr.; at House Deputy Speaker Aurelio Gonzales, Jr.
Pinagpapaliwanag din ng Supreme Court (SC) ang mga respondent sa loob ng tatlong araw kung bakit kinailangan nilang ikulong sa Kamara si Baterna.
Nagsimula ang reklamo makaraang ipina-detine sa Kamara si Baterna matapos i-cite in contempt dahil sa pag-iwas umanong sumagot sa mga tanong ng mga kongresista kaugnay ng pagdinig sa isyu ng mga POGO hubs.
Si Baterna ang Corporate Secretary ng Lucky South 99 o ang nadiskubreng POGO hub sa Porac, Pampanga.
