Forensic report ng testigo ng prosekusyon, kinontra ng testigo ng depensa

Forensic report ng testigo ng prosekusyon, kinontra ng testigo ng depensa

Kinontra ng testigo ng depensa ang ginawang forensic examination report ng umano’y forensic expert ng prosekusyon. Ayon sa testigo, hindi dapat gamiting batayan ang haka-haka sa pagsasagawa ng financial investigation.

Sa pagpapatuloy ng impeachment trial nitong Lunes, iniharap ng defense team ni Vice President Sara Duterte ang testigong si Atty. Rainer Dela Fuente, isang CPA at Anti-Money Laundering compliance practitioner.

Si Dela Fuente ay dating financial investigator ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at pumasok sa ahensiya noong 2015 bilang Bank Officer II.

Humawak siya ng mga compliance matter at naghanda ng mga ulat para sa mga imbestigasyon ng law enforcement agencies.

Sa pagtestigo ni Dela Fuente, ipinaliwanag niya ang ilang probisyon ng Anti-Money Laundering Law at kinuwestiyon ang mga natuklasang umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni VP Sara Duterte at ang ginamit na pamamaraan sa pagsusuri nito ng umano’y forensic expert ng prosekusyon na si Atty. Alex Cabrera.

Sa gitna ng direct examination ni Defense Counsel Atty. Mark Vinluan kay Dela Fuente, tinanong sa kaniya kung paano ang pag-access ni Cabrera sa mga record ng AMLC at iba pang financial documents ni VP Sara.

Pero ayon kay Dela Fuente, sa ilalim ng Section 8-A kaugnay ng Section 7 ng Anti-Money Laundering Act (AMLA), AMLC lamang ang may mandato sa pagsasagawa ng financial investigation sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act.

Inusisa rin ng depensa kung gaano kahalaga ang maging sigurado sa mga akusasyon ng unlawful activity at money laundering.

Ipinunto ni Vinluan na bagama’t inaakusahan umano si VP Sara ng mahigit ₱800 milyon na unexplained wealth batay sa natuklasan ng isang forensic analyst.

Paliwanag ni Dela Fuente na napakahalaga nito dahil ang predicate offense o unlawful activity ay isa sa mga elemento ng money laundering at hindi umano ito uusad o mangyayari nang mag-isa kung walang naunang ilegal na gawain.

Tinanong din si Dela Fuente sa posibleng legal na epekto ng paglalabas ng mga confidential information tungkol kay VP Sara Duterte at sa kaniyang asawang si Atty. Manases Carpio.

Ayon kay Dela Fuente, may kaukulang criminal liability ang sinumang mapatunayang lumabag sa mga panuntunan sa pagiging kumpidensiyal ng impormasyon.

Naitanong din kay Dela Fuente ang isyu sa sensitivity analysis na ginamit ng forensic expert ng prosekusyon sa pagsusuri ng mga dokumento.

Giit ni Dela Fuente, wala ito sa kanilang methodology at wala ito sa batas.

Tinanong din ni Vinluan si Dela Fuente kung kaya bang gumawa ng extensive financial investigation sa loob lamang ng dalawang linggo na tila patama sa so-called forensic expert ng prosekusyon na si Atty. Cabrera.

 

Umano’y forensic report ng prosekusyon, kulang sa beripikasyon; haka-haka, hindi dapat gamiting batayan sa financial investigation — defense witness

Iginiit din ni Dela Fuente na hindi maituturing na aktuwal na patunay ng criminal activity ang Covered Transaction Reports (CTRs) at Suspicious Transaction Reports (STRs), kundi mga indikasyon lamang na nangangailangan pa ng masusing pagsusuri.

Dagdag pa ng testigo, may mga pagkakataong nagkakaroon ng false positives sa mga STRs, kaya hindi nangangahulugang may naganap nang ilegal na aktibidad sa tuwing may naiuulat na kahina-hinalang transaksiyon.

Inusisa rin si Dela Fuente kung sino ang may awtoridad na magpasya sa piercing the veil of corporate fiction, matapos gamitin umano ito ng forensic expert ng prosekusyon upang maghinuha ng fraud kaugnay ng mga korporasyong tinukoy sa kanyang pagsusuri sa SALN ni VP Sara.

Ayon kay Dela Fuente, korte lamang ang may kapangyarihang maglapat ng naturang doktrina, na nangangailangan ng judicial intervention at pagsunod sa due process.

Sa forensic report na ginawa ni Cabrera, ginamit nito ang ₱35 milyon bilang batayan sa pagtukoy ng umano’y unexplained wealth ni VP Sara.

Dahil dito, natanong si Dela Fuente, batay sa forensic report, kung gaano kaangkop ang pag-attribute nito sa 20% capital ng GenCorp Industries Inc. kay VP Sara.

Bagama’t nilinaw ni Dela Fuente na wala siyang personal na kaalaman sa ginamit sa forensic examination report, binigyang-diin niyang dapat sana itong kinumpleto ng iba pang pamamaraan ng imbestigasyon, kabilang ang on-site at off-site investigation.

Nilinaw rin ni Dela Fuente ang isyu sa return of capital na natanggap ni VP Sara.

Ayon sa testigo, tumutukoy lamang ito sa pagbabalik ng orihinal na puhunan at hindi ito maituturing na kita.

Kaugnay pa rin sa forensic report sa total undeclared income ni VP Sara sa GenCorp na may halagang ₱2,142,369, naitanong kay Dela Fuente kung gaano kahalaga ang isa-isang pagsusuri sa mga financial record sa halip na umasa sa konklusyon na nakabatay lamang sa mga haka-haka o conjectures.

Follow SMNI NEWS in Twitter